Filtered by: Showbiz
Showbiz

Ricky Lee establishes foundation for writers


Kinikilala bilang isa sa pinakamahusay at nirerespetong scriptwriter sa industriya, ang malalim na pagmamahal sa pagsusulat ang nagtulak kay Ricky Lee upang sa kabila ng kahirapan sa buhay ay pinili niyang ipagpatuloy ang kanyang pangarap na maging isang mahusay na manunulat. Ngayon ay isa na sa haligi sa mundo ng scriptwriting, ang higit na kahanga-hanga kay Ricky ay ang kagustuhan niyang makatulong sa mga batang manunulat na kapos sa pinansiyal na kakayahan para ipagpatuloy ang kanilang pangarap at sa mga kapwa mga manunulat na ngayon ay medyo kapos sa buhay. FOUNDATION FOR WRITERS. Sinabi ni Ricky sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na isang foundation ang inuumpisahan na nilang itayo para sa mga kapwa manunulat, ang Writers' Studio Foundation. "Nag-a-apply na kami sa SEC [Securities and Exchange Commission], nagpa-process na. Yung nobelang naisulat ko, yung Para Kay B, after that, may dalawa pa akong nobelang ilalabas this year. Yung part of proceeds ng mga libro na nilalabas ko, mapupunta sa foundation. "Halos thirty years naman na akong nagtrabaho as scriptwriter, naisip ko na lapitan ko na ngayon lahat ng mga nakatrabaho kong direktor, artista na sa kahit papaanong paraan ay nakatulong naman ako sa kanila. Ibalik naman nila ngayon sa mga writer. "Eventually, kung makakahanap kami ng tie-up sa mga eskuwelahan, sa ngayon may mga nakausap na akong ibang mga kaibigang artista at direktor na nangakong mag-pledge ng scholarhips. Si Mother [Lily Monteverde] naman, magdo-donate ng office. Saka, di ba, may free workshops ako sa scriptwriting? Magiging parte yun ng foundation," lahad ng batikang manunulat. Ang focus ng mga gustong tulungang manunulat ni Ricky ay hindi lamang mga batang manunulat na gustong i-pursue ang kanilang kagustuhang maging magaling na manunulat kundi maging yung ibang mga kasamahan na ngayon ay kapos sa trabaho at pagkakitaan. "Para siyang MOWELFUND for writers. Tutulong siya sa mga scriptwriters na mga bata, mula sa probinsiya, yung mga mahihirap lang, walang pera, gustong mag-aral sa Manila. Gaya ko noon, umalis ako sa Daet para mag-aral ng college, gustung-gusto kong magsulat, hindi ko alam kung saan ako pupunta. Gusto ko yung gaya ko rin noon ang situation na gustong magpunta ng Maynila at mag-aral, gusto ko silang matulungan. "Hanggang ito sa pinakamatatanda nating mga writers. Di ba, marami sa mga kaibigan nating writers abf walang trabaho, pampaospital? Sana hanggang sa kanila makatulong yung foundation. Sa mga gustong magpahatid ng tulong, my e-mail is lagoon@pldtdsl.net," pagbibigay-impormasyon niya pa. COMMERCIALISM VERSUS ARTISTIC VALUE. Tanggapin man o hindi, kasama sa mga pelikulang ginagawa ngayon ay ang komersoiyalismo o kung tatangkilin ba ito ng publiko. Aminado si Ricky na ikinalulungkot niya ang katotohanang ito, pero madalas ay nagagawan nila ito ng paraan na hindi pa rin nagsa-suffer ang kalidad ng kanilang isinulat na istorya. "Nakakalungkot pag may kailangang baguhin. Ngayon, lahat ng projects dumadaan sa ganyan. Sa hirap ng buhay, sa hirap magpakita ng pelikula, lalo silang nakatutok sa ganung aspeto. "Hindi ko muna iniisip yung masakit kasi nasa movies ako, alam kong part ng mundong ito na may kailangan kang baguhin, e. So ang gagawin ko, iisipin ko mapapaganda ko ba ito kahit di na dating ganun? Magiging maganda maski iba na? Kung convinced naman ako na mapapaganda ko ito sa bagong form niya, dun na ako. "Yung Aishite Imasu halimbawa, originally, kuwento lang siya nung gay at saka nung guy na gusto niya, yung gay lang ang mas bida. Yung Juday [Judy Ann Santos] character, minor lang 'yan. Apat, limang taon 'yan ibinenta, pero reject lagi kasi gay daw yung bida; gawing lalake, gawin daw babae. "Nung natuloy sa Regal, nakiusap sila na baka raw puwedeng Judai. Nag-usap kami ni Joel [Lamangan, director of the film], 'Lalabas ba itong pangit o hindi?' Diretso naman kami, puwede pa rin nating maganda pa rin, huwag lang nilang pakialaman yung gay story. So, kumbaga, may compromises na iko-consider mo, good na nai-compromise na ito. May nawala, pero may nai-gain," saad ni Ricky. STILL THE SUPERSTAR. Kamakailan ay itinanghal ba Best Asian Film of All Time ang pelikulang Himala sa online voting na isinagawa ng CNN.com. Para kay Ricky, na siyang sumulat ng script, ay napalakaking karangalan ang ibinigay nito sa bansa at sa akres na si Nora Aunor. Bilang isang malapit ding kaibigan ng Superstar, naniniwala siya na ang isang mahusay na aktres katulad ni Guy ay laging may puwang sa showbiz. "Masarap isipin that after 26 years, naghimala pa rin. Napansin siya sa buong mundo pa and maski si Guy, napansin nila uli. Malaking karangalan yun para sa atin. "Optimistic akong tao. 'Pag magaling ang isang tao, direktor man, artista, writer, at marami ka pang dapat i-share, gagawa ng paraan ang Diyos man, ang kapalaran o ang tadhana o ang lahat ng tao sa palibot mo para mai-share mo pa yung kakayahan mo. Maraming mga tao ang tumutulong para makabalik siya at isa ako dun. May mga gumagawa ng paraan para makabalik at makagawa ng proyekto ang isang mahusay na aktres na tulad niya," pagtatapos ni Ricky. - Philippine Entertainment Portal