Filtered by: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Paalam inaanak


Halos dalawang taon na hindi kita nakita mula nang ako’y umalis at mangibang bansa. Isa sa mga naaalala ko ay tuwing Pasko dahil palagi akong may nakahandang regalo para sa’yo. Sa panahong ito ay sabik akong maibigay ang regalo kaagad dahil alam ko na iba ang saya ng mga bata kapag nakatatanggap sila ng regalo mula sa kanilang ninong at ninang. Ngunit paano na ngayong darating na Pasko at iba pang okasyon? JM, lubos ang lungkot ko nang malaman ko na kami ay iyong iniwan na. Sa mura mong edad na 14, hindi mo pa naaabot ang iyong mga pangarap sa buhay. Hindi mo pa natatapos ang iyong paglalaro sa mga kapatid, kaibigan at kaeskwela. Hindi mo pa lubos na nakikita at nararanasan ang buhay ng ating mundo. Inaanak, maraming salamat sa lahat at naging bahagi ka ng buhay ko kahit sa maikling panahon. Salamat sa mga alaala na iyong iniwan, mga alaalang nakatatak na sa puso at isipan ng iyong Ninang. Ikamusta mo naman ako sa mga anghel na kasama mo ngayon. Pakisabi sa kanila na gabayan at bantayan kaming lahat na naiwan mo. Paalam aking inaanak, mami-miss kita... Ninang Malou mula sa UAE Mga Kapusong Pinoy! Maraming salamat sa nagdaang taon ng ating kwentuhan. Maraming salamat sa inyong pagtitiwala at binuksan ang inyong buhay para ibahagi sa iba. Ang mga karanasan, saloobin, payo, at kung ano-ano pa na ibinahagi nyo sa Kwentong Kapuso ay nagbigay ng lakas ng loob, dagdag na kaalaman at pumawi ng kalungkutan sa marami nating kababayan na malayo sa kanilang mahal sa buhay. Sana'y hindi kayo magsawa sa pagbisita sa ating pambansang website na GMANews.TV at silipin ang iba't-ibang bahagi nito lalo na ang Pinoy Abroad at OFW Station na sadyang nilikha para sa inyo. Muli ang papuri at pasasalamat ay ibinabalik namin sa inyo mga kababayan naming nagtitiis sa ibang bansa upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay. At tulad ng nagdaang taon, hinding-hindi kami magsasawa na basahin ang inyong kwento, maigsi man o milya-milya ang haba. Kahit ang laman ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, nagsusumbong, nais lang magpatawa o kahit wala lang, dahil walang magawa. Hihintayin pa rin namin ang inyong mga email sa Pinoyabroad@gmanews.tv para magkaroon ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa ating mga kababayan saan man dako sa mundo. Saludo kami sa inyo mga mahal naming kababayang Pinoy sa abroad! Mabuhay kayo mga Kapuso!