Bohol native crowned 2009 Miss Gay Philippines
Mula sa lalawigan ng Bohol ang nahirang na Miss Gay Philippines ngayong 2009, kung saan naging hurado ang tatlong dating beauty queen ng Pilipinas. Sa Chika Minute portion ng "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing 22 ang kandidata na nagpatalbugan sa kagandahan at talino para sa ika-30 na Miss Gay Philippines. Nagsilbing hurado sa patimpalak ang mga dating beauty queen na sina Evangeline Pascual, Alma Concepcion at Maria Isabel Lopez. Sa Filipina competition pa lang nagpabonggahan na ang mga kalahok kung saan nagwagi ang candidate no. 5 na mula sa lalawigan ng Bacolod. Ngunit nilimas ng candidate no. 7 mula sa Bohol na si Boom Reyes ang iba pang special award tulad ng best in swimsuit at evening gown. Labis namang namangha ang mga hurado sa patalbugan ng mga kandidata sa pagsagot sa question and answer portion. “Mas magaling ang mga sagot nila kaysa contest ng mga babae. Talagang kina-career nila," ani Evangeline Pascual. Matapos humakot ng mga special awards, ang candidate no. 7 na si Boom ang tinanghal na Miss Gay 2009. Sinabi ni Boom na nais niyang tulungan ang mga katulad niyang homosexual na walang trabaho ngayon dahil sa krisis. Idinagdag nito na paghahandaan niya nang husto ang magiging laban niya para sa Miss Gay International Pageant na gagawin sa Oktubre sa Thailand. - GMANews.TV