Filtered by: Showbiz
Showbiz

Paolo Bediones vows a more exciting Survivor Philippines 2


Last March 17 ay nag-celebrate ng kanyang 35th birthday ang TV host na si Paolo Bediones. Bagamat nagtrabaho pa rin siya noong Martes, nakapag-dinner naman sila ng kanyang girlfriend na si Abegail Cruz, candidate sa Binibining Pilipinas 2009. March 18, pagkatapos ng Unang Hirit, lumipad agad si Paolo patungong Davao kung saan ginaganap ang last leg ng audition para sa Visayas/Mindanao area ng Survivor Philippines Season 2. Gabi ng Miyerkules, pagkatapos bisitahin ang audition site sa SM Davao, bumalik na rin sa Manila si Paolo para sa Unang Hirit muli. Standard sa mga out-of-town junkets na bigay ng GMA 7, sabayan ang interview na ibinigay ni Paolo sa mga invited press from Manila, including PEP (Philippine Entertainment Portal), at local press at para sa Davao; inimbitahan din ang mga entertainment press ng Sun Star Davao, Mindanao Daily Mirror, at Mindanao Insider. SURPASSING THE FIRST ONE. Napabilis ang pagdating ng SP 2 dahil katatapos lang ng first Survivor Philippines. "Because of the great clamor from the audience," sabi ni Paolo. "Na-excite sila sa first SP. Because the station [GMA 7], thankfully, recognized what we've done. Kami, we'd like to ride the momentum." Tuwang-tuwa ring ibinalita ni Paolo na di hamak na mas maraming nag-audition this time kesa sa unang Survivor Philippines. "Maybe because people know it's real, napatunayan ito ng first season," sabi ng TV host. "You should see the Cebu crowd, it's crazy [sa dami ng nag-audition]! "The first season surpassed expectation, so the pressure to do season two is so on. Are we getting the right combination of castaways? Kasi, in the end, it's the composition of the castaways that really matters." THE PERFECT COMBINATION. Bilib si Paolo sa Survivor Philippines, hindi lang dahil sa ganda ng format at presentation ng unang season kundi na rin dahil nakuha nila ang tamang timpla ng casting. "We can always present a good show, an exciting show, but it will always be the contestants. They have to have impact sa audience so people can relate. Of course, we would love to have good-looking people, pero the castaways must always remember this is a game. It's all about strategies. Maganda ka ngang tignan sa TV, pero hindi naman maka-relate sa iyo ang audience, makakalimutan ka. "Sa first season, ang mga tao, they're talking. Alam mo yung ginawa ni Vern [Veronica Domingo] kagabi. Si Rob [Sy] pala may plano rin. The audience were able to connect. Nandito ang pressure sa amin. Kailangan ang makukuhang castaways ngayon, hindi yung parang napadaan lang, hindi matatandaan ng tao," saad ni Paolo. Sa pagpili ng castaways ang pinakamahaba at pinakamatagal na meeting ng Survivor Philippines production dahil dito nakasalalay ang success ng season. "How do we choose the perfect cast? How do we know who would take the risk?" Nagbigay ng example si Paolo sa naging pilian ng castaways sa first season. "Sa first set, there were about two or three na unanimous ang decision na pasok na. Mga sure shots sila. Si Emerson [Diño], foregone conclusion nang papasok based on his audition. Pero tignan n'yo, among the first to be castout. Ang aga niya kasing nilabas ang card niya. Nahuli pa siya na may sinasabi sa iba, iba rin ang sinasabi sa iba. We thought papasok siya hanggang sa huli. "Si JC [Tiuseco], sure shot din kasi he has the looks. Pero sa first challenge, he backed out agad, bumigay. Sabi namin, sayang, there goes our goody-two-shoes boy. Pero lumaban siya, he took the challenge. For that, he's very worthy to be the first Pinoy Sole Survivor. "Si Marlon [Carmen] was not even in the top 64. Nag-pass na ang lahat sa kanya after the top 120. Pero may Rob kami na parang magiging leader, so we need someone to counter him. Binalikan namin ang 64, wala. Binalikan namin ang 120, nandoon si Marlon, siya siguro pwede, so nakapasok siya. "We were right. Marlon might have antagonized a lot of audience. Pero dahil sa mga strategies niya, SP became very dynamic. Nagkaroon ng grupohan," lahad ni Paolo. THE SECOND SEASON. For the second season, maraming pagbabago raw ang mangyayari. Ani Poalo, "The franchise was so impressed that we were able to do the preparation in just four months. Normally, they're doing it in other countries in nine months. Kaya when we presented our plan for the second season, in-approve nila. "Most of the challenges for the second season are all original na kasi, proudly Filipino made, so to speak. Dumaan ito sa butas ng karayom when we presented it. This one might work, this one you have to rethink. "Nandito ang challenge ng production kung paano ilalatag ang challenges, ano ang mauuna, ano ang mahuhuli. Some of these challenges, hindi pa nakikita kahit saang franchise, kasi nga galing pa lang sa amin," pagmamalaki ni Paolo. Hindi ba naniniwala si Paolo sa sophomore jinx? Ginagamit sa mga show at sa mga athlete na rin, kadalasan daw kasi, pagkatapos ng unang taon na successful, bumababa sa ikalawang taon. "A lot of people are saying that, they're even suggesting not to use '2.' So, tinatanong ko naman sila how do we call the second season, Survivor Philippines between 1 and 3?" Pinaalala namin sa kanya na sa international franchise, hindi na numeric ang kasunod ng Survivor kundi ang bansang pagdarausan, tulad sa US "Pwede rin, pero siguro sa mga susunod na season na. SP will continue to be called Survivor Philippines 2. Basta I don't believe in the sophomore jinx dahil if we do, why are we still doing this? How can we go on with the third, fourth and so on if we don't have two?" paliwanag niya. Binalikan din namin ang isa sa mga unang plano noon pagkatapos ng SP, ang magkaroon ito ng DVD release. "Alam mo, it takes a lot longer pala to produce this. Sa Raon pala may pirated version na maganda pa ang quality. Kaya ang plano namin, balikan lahat ang materials para may bagong maipakita. Ako, hindi ko rin naman lahat napanood ang mga na-tape. So, we're looking at everything para ang mapanood sa DVD, hindi lang yung TOA [tape on air], but so much more." AVOIDING THE LEAKAGE. Para sa second season, marami na ring precautions ang Survivor Philippines para hindi maulit ang sinasabing "leakage" sa pananalo ni JC. "Una, hindi naman kasi leakage ang nangyari," umpisa ni Paolo. "Nakauwi na kaming lahat. Siguro one or two staff are in a restaurant, reviewing everything. Dalawa na lang kasi ang naglalaban, sina JC at Rob. Nakita siguro ng nag-uusap na parang mas maraming papabor kay JC, so he/she could have said, 'Si JC na 'yan.' It was an opinion, but not the result. Pero siguro ang nakarinig, ang isip, 'Ay, si JC pala ang mananalo.' So nagkaroon ng ganoong leakage. "Pero para sa second season, marami nang changes. Una, wala nang Internet. Sa island kasi, may Internet pa rin naman at sa mga natanggal na, they're allowed to use it. Ang mga audience naman ng SP, nagpapaka-CSI. They're fans, but they're also spoilers. "May makikita sila na bagong castaway, so tsetsekin nila kung kailan ito pumasok. Maiisip nila agad, 'Ah, ito unang matatanggal,' at tama naman. Tapos tsetsekin nila ang mga bagong friends ni castaway, yung ibang castaways din. Check nila kung kailan ito na-approve. Nandoon yung date, e, tapos they would conclude, 'A, ito ang susunod.' "Minsan, simpleng picture lang, nahuhulaan nila. 'A, ito mga magtatagal kasi ang iitim nila, pumayat sila. A, itong mga hindi nagbago ang kulay, mga unang natanggal,'" pag-aanalisa ni Paolo. What about cameras then? "Meron pa rin, pero wala nang posting [sa Internet]," sagot ng TV host. "Ang ganda ng beach. Ang mga staff naming nakatunganga lang, hindi magamit ang camera. So maaawa naman kami, sige na nga mag-picture taking na nga kayo. Pero huwag na muna nilang i-post kasi mahuhuli ng mga fans. "Kaya sa GA [general assembly], pag-uusapan ulit namin ang confidentiality agreement. We need to point out the importance of keeping a secret, not just sa castaways but also sa production." Gagawin daw nila ang last general assembly kapag nakapili na sila ng final set of castaways at bago sila tumungo sa country of destination. Saan ang next destination, tanong ng PEP, habang dire-diretso ang kuwento ni Paolo. "You have to do better than that bago mo ako mahuli," nakangiting sagot ni Paolo. - Philippine Entertainment Portal