Filtered by: Showbiz
Showbiz

Widow of Richard Gutierrez' PA sues actor


Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang aktor na si Richard Gutierrez kaugnay sa pagkamatay ng kanyang personal assistant sa aksidenteng kinasangkutan ng aktor sa Cavite noong Mayo. Mismong ang asawa ng nasawing si Nomar Pardo na si Lorayne ang naghain ng reklamo laban kay Richard sa Provincial Prosecutor Office sa Cavite, ayon sa ulat ni Dano Tingcungco nitong Biyernes sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras. Sa tatlong sakay ng kotse na minamaneho ni Richard, tanging si Nomar ang nasawi nang maaksidente ang sasakyan sa Silang, Cavite noong Mayo 22. Nagtamo naman ng sugat sa kilay ang aktor at kinailangang tahiin. Sa panayam ng media, nagpakita si Lorayne ng isang papel (tiket) na sinasabing galing sa Land Transportation Office na nagsasaad ng pagiging reckless umano ni Richard sa pagmamaneho. “Nang nabubuhay ang asawa ko lagi niyang sinasabi masyadong mabilis magpatakbo si Richard," ayon kay Lorayne. Idinagdag ng biyuda na walang natupad sa mga ipinangakong tulong ng mga Gutierrez sa kanilang pamilya. “Nung time na naaksidente ang asawa ko maganda ang ipinakita nila sa wake and everything. I didn’t ask for anything at all, may interview sila na they will support my kids sa pag-aaral, gatas, damit so bakit pa ko manghihingi since sila ang nag-o-offer sa amin, sila ang nagsasabi. So thankful kami dun, pero walang nangyari dun, lahat wala, ni singko wala kaming nakuha," reklamo ng biyuda.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Walang pananagutan Ayon naman sa abogado ni Richard, hindi pa nila natatanggap ang kopya ng reklamo ni Lorayne. Hindi umano dapat sisihin ang aktor sa nangyaring aksidente na kamuntik na ring ikamatay ni Richard. “No one is to blame for it and our position is that client’s not to blame for it. In fact, he almost died in this accident as well," paliwanag ni Atty Agnes Maranan. Inihayag naman ng ina ni Richard na si Annabelle Rama na nakahanda silang harapin ang reklamo at inakusahang “blackmail" ang pakay ng demanda. “Alam ko naman ang plano nila sa amin e, iano kami parang…parang blackmail. Lahat ng klaseng tulong, lahat ng klaseng pakiusap nila, actually wala kaming dapat na pananagutan dahil aksidente ‘di ba, dahil ang anak ko nag-promise kay Nomar (na) anong mangyari sa kanya sa future pag-aralin mga anak n’ya," depensa ni Annabelle. Mabilis naman itong pinabulaanan ng abogado ni Loyrene ang alegasyon ni Annabelle. “We want to immediately deny this outright because in blackmail they demand something in return for the withdrawal…Mrs Pardo signed an agreement with us the moment she withdraws the criminal complaint she will be liable to us, to the law firm," tugon ni Atty Firdausi Abbas, na nagsabing hindi sila papayag na maging kolektor lang ang kanilang law firm. - Fidel Jimenez, GMANews.TV