1 milyong lagda kay Cory Aquino
Dahil walang balak pumasok sa pulitika, kinailangan ng oposisyon na mangalap ng isang milyong lagda sa mga Filipino upang kumbinsihin si dating Pangulong Corazon Aquino na tanggapin ang alok na labanan sa itinakdang 1986 presidential snap elections ang noo’y nakaupong lider na si Ferdinand Marcos. Inanunsyo ni Marcos noong 1985 na magpapatawag siya ng snap elections sa susunod na taon bunga ng mga protesta at ingay sa pulitika na nilikha ng asasinasyon kay dating Senador Benigno “Ninoy" Aquino Jr., noong Agosto 21, 1983. Unang pinlano ng partido oposisyon na United Nationalists Democratic Organizations (UNIDO) na si Salvador Laurel ang itatapat kay Marcos sa ikinasang snap elections. Ngunit ilang lider ng oposisyon ang hindi kumbinsido na kakayanin ni Laurel na talunin si Marcos. Dahil dito, sinimulan ni Don Joaquin “Chino" Roces ang Cory Aquino for President Movement kung saan nangalap sila ng isang milyong lagda at iprinisenta ito sa biyuda ni Ninoy para hikayatin na maging standard bearer ng oposisyon kontra kay Marcos. Tinanggap ni Gng Aquino ang hamon matapos magbigay daan si Laurel na naging running mate niya sa halalal sa ilalim ng partido ng UNIDO. - Fidel Jimenez, GMANews.TV