Filtered by: Topstories
News

Chiz-Loren tandem sa 2010 polls kasado na -- solon


MANILA – Kasado na umano ang tambalan nina Sen Francis “Chiz" Escudero at Sen Loren Legarda para maging pambato ng Nationalist Peoples Coalition sa 2010 elections. Sa panayam ng media nitong Martes, sinabi ni An Waray party-list Rep. Florencio “Bem" Noel, pumayag na umano si Legarda na maging bise presidente ni Escudero bilang “regalo" sa huli na nagdiwang ng kanyang ika-40 taong kaarawan. Ang kasunduan ay sinelyuhan umano sa ginawang pagpupulong ng mga kasapi ng NPC sa bahay ng founding chair ng partido na si business tycoon Eduardo “Danding" Cojuangco, sa Balite Drive, Quezon City noong Lunes ng gabi. “Based on my understanding, although I am not authorized to speak in behalf of them, I believe that Sen. Legarda will be Chiz’s running-mate. That is her belated gift to Chiz," ayon kay Noel, tagasuporta ni Escudero. Inaanak sa kasal ni Legarda si Escudero na nagdiwang ng kanyang 40th birthday nitong Oktubre 10. Kailangan nasa edad 40 ang sinumang nais tumakbong pangulo ng bansa, alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas. Ikinuwento ni Noel na niregaluhan ng mga kasapi ng NPC si Escudero ng t-shirt ng may kulay orange, dilaw at berde na may nakalagay na “Chiz be with you" at “move my cheez." Ang naturang mga kulay ay gamit sa kampanya ng ibang “presidentialbles" gaya nina Sen. Manny Villar ng Nacionalista Party (orange), Sen. Benigno “Noynoy" Aquino III ng Liberal Party (yellow) at Defense Sec. Gilberto Teodoro ng Lakas-Kampi-CMD (berde). Pinabulaanan din ni Noel ang mga espekulasyon na lilipat si Legarda bilang bise presidente ni Villar, at susuportahan ni Cojuangco ang kandidatura ng pamangkin nitong si Aquino. Una rito, lumabas sa mga ulat na nangako umano si Cojuangco ng P2 bilyong pondo para kampanya ni Aquino, anak ng pumanaw na si dating pangulong Cory Aquino, pinsan ni Cojuangco. Pamangkin din ni Cojuangco si Teodoro, na dating kasapi ng NPC bago lumipat sa Lakas-Kampi. “NPC will make a formal announcement very soon," ayon kay Noel. Sinabi ng kongresista na may 20 kasapi ng NPC ang dumalo sa pulong kasama sina Pangasinan Rep. Mark Cojuangco, Isabela Rep. Giorgidi Aggabao at Agusan del Sur Rep. Rodolfo “Ompong" Plaza. Nasa Bacolod City umano si (Danding) Cojuangco kaya hindi nakadalo sa pulong. JDV naghahanap ng lilipatan Inihayag naman ni dating Speaker Jose de Venecia Jr. na tatlong grupo sa oposisyon ang pinagpipilian nitong susuportahan sa 2010 elections matapos tutulan ang pagsasanib ng Lakas-CMD at Kabalikat ng Malayang Pilipino (Kampi). Ayon kay De Venecia, pinagpipilaan nitong makipag-koalisyon sa grupo ni Villar ng NP, LP ni Aquino, at kay Escudero ng NPC. "You have a clear choice between Manny Villar and Noynoy Aquino. And from the standpoint of competence, Chiz Escudero is also competent," pahayag n glider ng Kamara. Iginiit niya na hindi susuportahan ng kanyang grupo ang kandidatura ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., bagaman maganda umano ang pakikipag-ugnayan niya sa kalihim. Una rito, naghain ng petisyon si De Venecia sa Commission on Elections para ipawang-bisa ang pagsasanib ng Lakas-Kampi-CMD dahil sa paglabag sa patakaran ng Lakas-CMD. Bagaman ibinasura ng Comelec ang petisyon, sinabi ni De Venecia ang pakikipaglaban niya sa Lakas-Kampi ay magpapatuloy kahit natapos na ang eleksyon. – GMANews.TV
LOADING CONTENT