Villafuerte ng CamSur tuluyang kumalas sa administrasyon
Tuluyan ng kumalas sa partido ng administrasyon si Camarines Sur Gov. Luis Raymund “LRay" Villafuerte Jr., nitong Martes at nanumpa sa Nacionalista Party (NP) na pinamumunuan ni Sen. Manny Villar. Itinuturing “big catch" ng NP si Villafuerte dahil ito ang kasalukuyang national chairman ng League of Provinces of the Philippines (LPP), at hinahangaang lokal na lider sa buong Bicol region matapos nitong buhayin ang turismo sa Camarines Sur. Kasama ni Villafuerte na nanumpa kay Villar sina Vice-Gov. Salvio Fortuno at 296 lokal na lider ng lalawigan. Kinabibilangan ito ng walong board member, siyam na alkalde, 13 vice mayor, 264 konsehal at 720 municipal leaders. Ang paglipat ng grupo ni Villarfuerte sa NP mula sa Lakas-Kampi-CMD, ay sinaksihan ng may 60,000 tagasuporta ng gobernador sa sikat na CamSur Watersports Complex (CWC) sa bayan ng Pili. “Naniniwala kami sa liderato ni Senador Villar na may mas mahusay na track record kaysa sa ibang presidentiable. Bilang nag-iisang may matibay na karanasan sa executive level, maaari niyang pamahalaan ng ating bansa sa unang araw at makakatiyak na may resulta," ayon kay Villafuerte. “Nagtitiwala kami kay Villar na sa pamamagitan ng kanyang pamamahala, magkakaroon ng mas mahusay na kalagayan ang Bicol region na palaging nakakaligtaan," idinagdag ng gobernador. Nagpasalamat naman si Villar sa tiwala ni Villafuerte at mga kasamahan nito na magbibigay umano ng malakas na tulak sa kampanya ng NP sa 2010 elections. Sa pinakahuling survey ng Social Weather Station sa mga itinuturing "presidentiables" sa 2010 elections, pangalawa lang si Villar (37 percent) sa pambato ng Liberal Party na si Sen Benigno Aquino III (60 percent). Bukod kay Villafuerte, naunang lumipat sa NP sina Davao del Sur Gov. Douglas Cagas, Surigao del Norte Gov. Ace Barbers, at Sorsogon Vice-Gov. Renato Laurinaria, dating Cavite Vice Gov. Jonvic Remulla, at mga lokal na lider at opisyal mula sa mga nabanggit na lalawigan. Nanumpa rin kay Villar nitong Martes sina League of Municipalities president Nabua Mayor Ferdinand Simbulan, Vice-Mayors League president Nathaniel Capucao, at Councilors League president Antonio Olaño. Si Villafurte ang nasa likod ng matagumpay na world-class wakeboarding cable park na CWC sa Pili, Camarines Sur na naging paboritong destinasyon ng mga turista at pinagdarausan ng international wakeboarding competition. Samantalang napili naman na pagdausan ng French version ng reality show na "Survivor" ang magandang dalampasigan sa isla ng Caramoan. Mayroon din sa Luzon Mula sa Bicol region, nanumpa rin sa NP ang ilang lokal na lider mula sa Tarlac, Nueva Ecija at Benguet. Ang grupo ng mga lokal na lider sa Tarlac na itinuturing balwarte nina Sen Aquino at Defense Sec Gilbert Teodoro ay pinangunahan ni Provincial Board Member (2nd district) Tyrone Aganon. Ang negosyanteng si Jack Dulnuan, may-ari ng Jack Transport System, ang nanguna sa grupo ng mga nanumpa mula sa Benguet. Si Dunluan ang magiging kandidato ng NP sa pagka-kongresista sa La Union. Sinabi ni Villar na kasama sa programa ng kanyang partido na pagandahin ang mga lansangan patungong Gitna at Hilagang Luzon upang mapabilis ang paghahatid ng kalakalan sa Metro Manila at kalapit na lalawigan. Samantala, matapos mapaulat na nanumpa sa Nationalist Peoples Coalition noong Agosto, lumipat naman noong Sabado sa Liberal Party ni Aquino ang aktor na si Cesar Montano na balak tumakbong gobernador sa lalawigan ng Bohol. Kumalas din kamakailan sa NP si Bukidnon Rep. Teofisto Guingona III, at lumipat sa LP para paghandaan ang pagtakbong senador sa May 2010 elections. - GMANews.TV