Filtered by: Showbiz
Showbiz

Jinkee Pacquiao explains why she cried during Thanksgiving Mass


Nagsalita na ang maybahay ni Manny Pacquiao na si Jinkee sa pag-iyak niya at tila pagtabig sa kamay ng asawa sa Thanksgiving Mass sa Las Vegas, USA noong nakaraang linggo. Kasama ni Manny na dumating sa Pilipinas nitong Biyernes si Jinkee sa kabila ng mga espekulasyon na may namumuong problema sa kanilang pagsasama. Nag-ugat ang kontrobersiya dahil sa umano’y relasyon ng tinaguriang “pambansang kamao" sa isang sexy actress. Sa panayam ng GMA News Unang Hirit, nagpaliwanag si Jinkee kung bakit siya napaiyak sa sermon ng pari sa misa na ginanap sa Las Vegas matapos talunin ni Manny ang Puerto Rican boxer na si Miguel Cotto noong Linggo.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Oo na-touch lang ako, tsaka meaningful kasi ‘yong homily dun so yun lang yun. Saka na-miss ko yung mga anak ko," pahayag ni Jingkee na ayon sa ulat ay maaliwas ang mukha at halata ang pagiging seksi. Nang kamustahin si Manny na katabi si Jinkee tungkol sa lagay ng kanyang pamilya, sagot ng bagong World Boxing Organization (WBO) welterweight champion, “Ok naman masaya naman kami." Masaya pang pinuri ni Manny ang kanyang maybahay na: “Ang ganda ganda ng asawa ko, saka sesksi ‘di ba?" Wala munang intriga Tungkol sa kumakalat na intriga sa umano’y relasyon ni Manny sa isang sexy star, sinabi ni Jinkee na higit na dapat pag-ukulan ng atensiyon ang nakamit na tagumpay ng asawa. Si Manny ang kauna-unahang Pilipino at boksingero sa buong mundo na nanalo ng pitong korona sa magkakaibang debisyon nang talunin si Cotto at maagaw ang WBO welterweight belt. “Ayaw ko munang pag-usapan ang mga bagay na ‘yon, maging masaya na muna tayo ngayon sa panalo ni Manny," ayon kay Gng Pacquiao. Nais din daw niyang pag-ukulan ng panahon ang kanyang pamilya kung saan mayroon silang tatlong anak ni Manny. Tanggap na rin umano ni Jinkee na kakambal na ng kasikatan ng kanyang asawa ang mga intriga. “Ganun talaga eh kasabay ng intriga yung pagiging famous ng isang tao. Nandiyan talaga nakabuntot yung intriga, hindi maiiwasan yun. Sa akin lang ayaw ko munang pag-usapan ang mga bagay na iyon," pahayag niya. Bago matapos ang panayam, hinilingan ang mag-asawa na isang kiss na pinagbigyan naman nila. Sinabi sa ulat na inaasahang matatapos na intriga sa mag-asawa at lalong tatatag ang kanilang pagsasama. - Fidel Jimenez, GMANews.TV