Filtered by: Topstories
News

Gordon: Inalok ako para umatras; Villar: 'Di ko sila paaatrasin


MANILA – Si Bagumbayan standard bearer Sen Richard Gordon naman ang nag-akusa ngayon kay Nacionalista Party standard bearer Sen Manny Villar na nag-alok ng suhol para iatras ang kanyang kandidatura sa darating na May elections. Kaagad namang pinabulaanan ni Villar ang bintang at hiniling kay Gordon na tukuyin ang sinasabing kaibigan niya na nag-alok ng suhol sa senador. Sinabi ni Gordon na isang kaibigan umano ni Villar ang kumausap sa kanya ilang linggo bago magbakasyon ang Kongreso upang huwag ng tumuloy sa pagkandidato sa panguluhan. Kabilang umano sa alok ng kaibigan ni Villar at pagsauli ng ginastos nito sa kampanya at posisyon sa Gabiente kapag nanalo. "Babayaran ko lahat ginastos mo at yung ikakampanya mo. Kapag umatras ka bibigyan kita nang ano mang puwesto sa gabinete," kuwento ni Gordon sa alok umano ng emisaryo ni Villar. Ngunit tumanggi si Gordon na pangalan ang sinasabing tao ni Villar na nag-alok sa kanya sa harapan ng kanyang anak. Ang naturang emisaryo ay dati umanong opisyal sa gobyerno. Kinausap din umano siya ng kampo ni Villar para bumitiw ng suporta kay Senate President Juan Ponce Enrile upang muling mailagay si Villar sa liderato ng Senado. “Sinabi sa akin iurong ko yung suporta kay Senator Enrile at kung...yung boto ko na lang hinihintay," idinagdag niya. Kabilang si Gordon sa mga senador na nagsulong na imbestigahan ang C-5 road project laban kay Villar. Pumirma rin si Gordon sa resolusyon na nagdedeklarang guilty ang pambato ng NP sa paggamit ng posisyon niya upang pakinabangan ang naturang proyekto. Inalok din daw Nauna nang nag-akusa si Enrile na inalok umano ng suhol ni Villar kapalit ng pagbasura sa imbestigasyon ng C-5 road project. Si Enrile ang pinuno ng Senate Committee of the Whole na nagsisiyasat sa kaso. Kamakailan naman ay nagpasaring si dating pangulong Jseph Estrada na isang “mayamang kandidato" ang nag-alok din sa kanya ng pera kapalit ng pag-atras sa panguluhang halalan. Hindi katulad ni Gordon, walang pangalang tinukoy si Estrada tungkol sa presidentiable. Ngunit maging ang kandidatong senador ni Estrada sa Partido ng Masamang Pilipino (PMP) na si Atty. JV Bautista, ay duda kung gagawin ni Villar na manuhol ng ibang kandidato. Sa kabila ng alegasyon ni Enrile, tumaas pa ang trust rating ni Villar sa isinagawang survey ng Pulse Asia. Nananatili rin si Villar – kasama si Liberal Party standard bearer Sen Benigno “Noynoy’ Aquino III – sa mga nangunguna sa survey ng mga kandidatong pangulo sa Mayo. Samantala, nanatili sa ilalim ang rating ni Gordon sa mga presidentiables, habang tila napako sa malayong pangatlo si Estrada.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Iginagalang ko sila Sa pag-iikot ni Villar sa ilang pamilihan sa Surigao City Public Market, itinanggi ni Villar ang pinakabagong akusasyon sa kanya ng panunuhol. Hiniling niya kay Gordon na pangalanan ang taong kumausap sa kanya. "Dapat sabihin na para malaman," ayon sa senador. “Ako ay nagbibigay babala sa mga kasamahan kong kandidato, wala po akong ginagawang ganyan, wala akong ino-offer-an na maski kanino. Mag-iingat po kayo sa mga taong nanloloko at baka po kayo ay mabiktima." Iginiit ni Villar na mataas ang respeto niya sa ibang kandidato at kailanman ay wala siyang balak na hikayatin ang mga ito na iatras sa kanilang kandidatura. "Ako po ay tumatakbo nang malinis, nang maayos at wala akong ibang hangarin," pahayag niya. “Siguradong may mga taong gustong manira sa akin kaya nag-o-offer tapos ako ang itinuturo. Hindi po ako ganyan at ‘wag sana kayong naniniwala para hindi kayo maloko." Naniniwala si Villar na siya pa rin ang puntirya ng mga pag-atake dahil siya ang pinakamalakas na kandidato sa panguluhan, ganun na rin sa mga naglalabasang survey. "Magandang balita ‘yan, ‘pag ikaw palagi ang pinupuntirya that means ikaw ang nangunguna," paliwanag niya. Wala rin umano siyang inilaang pondo para magbayad ng mga papaatrasing kandidato. - GMANews.TV
LOADING CONTENT