Filtered by: Topstories
News
Perlas inalok din daw na umatras sa May polls
MANILA – Hindi lang isa, kundi dalawang kandidato umano ang nag-alok kay presidential candidate Nicanor “Nicky" Perlas na umatras sa panguluhang halalan sa Mayo kapalit ng pagsama sa kanya sa senatorial ticket at sagot ang gastusin sa kanyang kampanya. Ang alegasyon ay inihayag ni Perlas nitong Miyerkules sa isinagawang presidential forum ng dzBB radio na, “Ikaw na ba? The Presidential Interview." “Kapag tumakbo ako sa Manila, siya na daw ang bahala sa campaign ko bilang senador," pahayag ni Perlas,nakakuha ng pinakamababang 0.05 percent rating sa pinakahuling survey ng Pulse Asia sa mga presidentiables na ginawa noong Enero. Idinagdag ni Perlas na personal siyang kinausap ng isang presidentiable, habang ang isa pang kandidato ay nagpadala sa kanya ng emisaryo bago siya naghain ng kandidatura sa Commission on Elections (Comelec) noong Nobyembre. "For one of them, the offer was sila na ang bahala sa lahat ng mga expenses if I accept the position as senator," patuloy ni Perlas. Ngunit tumanggi si Perlas na tukuyin kung sino ang dalawang presidentiables na humikayat sa kanya na umatras sa laban. Una rito, sinabi ni presidential candidate Sen Richard Gordon na isang emisaryo umano ni Nacionalista Party standard bearer Sen Manny Villar ang nag-alok sa kanya na umatras sa laban kapalit ng pagsasauli ng kanyang gastos sa kampanya at posisyon sa Gabinete. Gayunman, tumanggi si Gordon na pangalanan kung sino ang umano’y emisaryo ni Villar. Pinabulaanan naman ni Villar ang alegasyon ni Gordon, at iginiit na mataas ang paggalang niya sa kanyang mga katunggali sa halalan kaya hindi niya hihimukin ang mga ito na umatras sa laban. Sinabi naman ni NP senatorial candidate at spokesman Gilbert Remulla na walang mabuting idudulot kandidatura ni Villar kung paaatrasin si Gordon dahil nasa ilalim din ito ng mga survey. Sa survey ng Pulse Asia noong Enero na may 1,800 respondents, nakakuha lang si Gordon ng 1 percent. Nanguna sa naturang survey si Liberal Party presidential bet Sen Benigno Aquino III na may 37 percent, at halos kapantay si Villar na may 35 percent. Malayong pangatlo naman si dating pangulong Joseph Estrada na may 12 percent, at pang-apat ang pambato ng administrasyon na si Gilberto Teodoro Jr na may 5 percent. Sinabi ni Perlas na hindi siya naniniwala sa mga survey batay na rin umano sa naging karanasan ng kapatid ng kanyang drayber na minsan natanong sa survey ng mga kandidatong pangulo. “Noong sinabi ng driver ng kapatid ko na Perlas ang susuportahan niya, iyong nag-susurvey daw, sinabing bakit siya, hindi mananalo 'yan," at iminungkahi ang ibang pangalan tulad nina Aquino, Villar, at Teodoro. Malakas ang suporta Sinabi ni Perlas na malakas ang nakukuha niyang suporta sa loob ng gobyerno at maging sa militar. “Marami tayong suporta from inside the government. Malakas rin ang ating military support, kaya ‘kapag tayo ay kumilos na, sigurado tayong we will be working with principled people in government," Ipinagmalaki rin niya na mataas ang kanyang awareness rating na umaabot sa 80 percent lalo na sa mga komunidad sa Iloilo, Cebu, at Metro Manila. Sakaling manalo, sinabi ni Perlas na kukunin niya sa kanyang gobyerno ang tulong ng ibang katunggali sa panguluhan tulad nina Sen Maria Ana Consuelo Madrigal, Olongapo City councilor John Carlos De los Reyes, at Bro. Eddie Villanueva. Wala namang puwang sa kanyang administrasyon ang mga traditional politician kagaya nina Aquino, Villar, Gordon, Teodoro at Estrada. “Iaappoint ko iyong mga nasa baba…hindi iyong mga traditional politicians natin na pera at popularidad ang pinapatakbo," ayon kay Perlas. - GMANews.TV
More Videos
Most Popular