Filtered by: Topstories
News

3 panukalang batas ihahabol na ipasa sa Kamara


MANILA – Tatlong panukalang batas ang susubukang ilusot sa Kamara de Representantes bago tuluyang magtapos ang ika-14 na Kongreso sa Biyernes. Batay sa inihandang “agenda for business" ng House committee on rules para sa huling araw ng sesyon ng kasalukuyang Kongreso, kasama ang kontrobersiyal na Freedom of Information (FOI) bill sa sisikaping ratipikahan ng mga mambabatas. Bukod sa FOI bill, kasama rin sa listahan ng rules committee na pinamumunuan ni House Majority Leader Arthur Defensor, ang HB No. 1409 na may kaugnayan sa cable television at cable internet system at HB No. 6568 para amyendahan ang Philippine Immigration Act of 2009. Isinusulong ng iba’t-ibang organisasyon sa pamamahayag ang FOI bill dahil oobligahin nito ang mga ahensiya sa pamahalaan na maging bukas sa publiko kaugnay sa kanilang mga transaksiyon. Ayon kay Aurora Rep. Juan Edgardo Angara, isa sa mga may-akda ng panukala, makatutulong sa kampanya ng susunod na administrasyon ang FOI bill upang maisakaturapan ang transparency sa gobyerno. Bagaman sinusuportahan ng panukalang batas ang karapatan ng publiko na makakuha ng mga impormasyon tungkol sa mga transaksiyon sa gobyerno, mayroon ding mga probisyon sa panukala upang protektahan ang “right to privacy" ng mga tauhan at opisyal sa pamahalaan. Una rito, binigyan ni Speaker Prospero Nograles Jr. ng 80 porsiyentong tiyansa ang FOI bill na makapasa sa Biyernes. Ngunit aminado siya na nakasalalay ang kapalaran ng FOI sa magiging attendance ng mga sisipot na mambabatas. Samantala, nakapaloob naman sa HB 1409 na parusahan ang mga sangkot sa pagnanakaw, ilegal na koneksiyon at pag-agaw sa signal o serbisyong ibinibigay ng cable television o cable internet system. Layunin naman ng HB No. 6568 na amyendahan ang Philippine Immigration Act of 2009 para mapalawig ang termino ng mga komisyuner sa Bureau of Immigration (BI). – GMANews.TV
Find out your candidates' profile
Find the latest news
Find out individual candidate platforms
Choose your candidates and print out your selection.
Voter Demographics
LOADING CONTENT