Filtered by: Topstories
News
Celebs sa Aquino govt: Noynoy baka nabulungan lang – Arsobispo
MANILA – Hinihinala ng isang lider ng Simbahang Katoliko na hindi personal na desisyon ni president-apparent Sen Benigno “Noynoy"Aquino III ang planong pagkuha ng mga artista para maging kasapi ng kanyang magiging administrasyon. “’Yang mga appointment na ‘yan ng mga artista galing sa kapwa artista, I don’t think galing ‘yan kay Noynoy, I don’t think he knows them," pahayag ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, sa panayam ng Veritas radio nitong Biyernes. Ang pahayag ay reaksiyon ni Cruz kaugnay sa mga ulat na plano ni Aquino na bigyan ng posisyon sa kanyang magiging gobyerno sina TV host at talent manager Boy Abunda, Kapuso stars Dingdong Dantes at Ogie Alcasid. Ang tatlo ay pawang naging endorser ni Aquino sa kanyang kampanya sa katatapos na panguluhang halalan nitong May 10. (Basahin: Noynoy also eyes govt posts for Dingdong, Ogie Alcasid) Sinabi ni Cruz na hindi rin dapat gamiting basehan ni Aquino ang pagtanaw ng utang na loob sa mga artista para bigyan sila ng posisyon sa gobyerno. “Kung ang mama ay tatanaw ng utang ng loob e di lahat na lang ng kumampanya sa kanya ay kukunin n’ya, wala ng lugar," ayon sa arsobispo. “I think, these are tentative, just recommendations and I would not want to say that such possibility came from him personally, it must be whispered or told him by this and that," idinagdag ni Cruz. Una rito, inihayag ni Aquino na ikinukonsidera niyang bigyan ng posisyon sa gobyerno sina Abunda, Dantes at Alcasid para maipagpatuloy ang kanilang mga adbokasiya. Partikular na tinukoy ni Aquino si Dantes na tumutulong umano sa kapakanan ng mga kabataan sa pamamagitan ng itinayo nitong foundation. Idinagdag ni Cruz na hindi rin umano dapat magbigay ng rekomendasyon aktres na si Kris Aquino sa kanyang kapatid na si Noynoy kung hindi naman hinihingan ng opinyon. “I think hindi kasi maganda ang iyong right hand, kapatid mo na nasa movie industry, ‘di na bale kung nasa governance, legislative, or judiciary," pahayag ng arsobispo. Nilinaw naman ni Cruz na hindi siya lubos na tutol na mabigyan ng posisyon sa gobyerno ang mga galing sa showbiz ngunit dapat umanong magpakita sila ng patunay tungkol sa kanilang kakayahan. “Yung iba they are not performer. In fairness they may have the goodwill but they are not really that competent to join especially sa legislative matters," patuloy nito. Hanga kay Ai-Ai Kasabay nito, pinuri naman ni Cruz si Ai-Ai delas Alas sa ginagawa nitong paghahanda sa pagpasok sa pulitika nang kumuha ang aktres ng kursong public administration sa University of the Philippines. Sinasabing plano ni Ai-Ai na tumakbo sa isang lokal na posisyon sa susunod na halalan sa 2013. “I think Ai-ai is doing a great thing that she’s preparing herself for it looking in the future and joining politics…Hindi naman agad yung tatalon ka sa tubig, ‘di ka pala marunong lumangoy," paliwanag ni Cruz. Idinagdag ng arsobispo na mas makabubuting tumigil sa pag-aartista o trabaho sa showbiz ang mga nakapasok sa pulitika upang magkaroon ng konsentrasyon sa bagong trabaho. - GMANews.TV
More Videos
Most Popular