Claudine Barretto, Mark Anthony Fernandez team up again
Matapos ang mahabang panahon ng paghihintay, muling magtatambal ang dating magkasintahan na sina Claudine Barretto at Mark Anthony Fernandez. Pero totoo nga bang hindi sila nagpapansinan sa taping kapag hindi nakaharap sa camera? Ang eksena ng kasal para sa isang episode ng drama series na Claudine ang inabutan ni entertainment reporter Nelson Canlas na kukunan sa taping nina Claudine at Mark Anthony na ginawa sa Olongapo. Inakalang hindi na muling makikitang magkasama sa isang proyekto ang dalawa dahil minsan nang hindi sinipot ni Mark Anthony ang production meeting para sana sa movie na pagsasamahan nila ni Claudine. Dahil doon, naging laman noon ng mga balita ang sama ng loob ni Claudine sa dating nobyo. Pero naaayos na raw ang gusot nang magkaharap sila at magkapaliwanagan.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Ganun naman ako ‘pag nagtampo, nagalit ‘pag nag-sorry naman wala na after. Basta pahupain lang muna yung tampuhan. So parang yun, narito pa kami sa hiyaan stage," ayon kay Claudine sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes. Inihayag naman ni Mark Anthony na masaya siya dahil naging maganda ang resulta nang pag-uusap nila noon upang maayos ang naging problema nila. Pero kapansin-pansin umano na hindi nag-uusap ang dalawa kapag hindi gumigiling ang camera. Aminado sina Claudine at Mark Anthony na kinakabahan pa sila sa muli nilang pagsasama. “Medyo kinakabahan din ng mga panahon na ‘yon siyempre ayokong magkamali, gusto ko lahat okey yung sitwayon," ayon sa aktor. “Actually ako rin naman kinakabahan kasi hindi ko naisip na after ng so many years, long years finally magkakasama kami sa isang show, tapos hopefully someday soon a movie and a teleserye," dagdag ni Claudine. Dalawang araw na mamalagi sina Claudine at Mark Anthony sa Olongapo at kapwa sila umaasa na magkaka-adjust sila sa kanilang sitwasyon at gumanda ang kanilang samahan bilang magkaibigan. – FRJimenez, GMANews.TV