Nananatiling under observation sa Intensive Car Unit (ICU) ng UST Hospital ang Kapuso child actor na si Roberto “Buboy" Villar at kapatid nitong si Ronron dahil sa sakit na dengue. Sa ulat ng
Chika Minute ng GMA news
24 Oras nitong Sabado, sinabing stable naman ang kalagayan ng magkapatid matapos silang isugod sa UST hospital nitong Biyernes ng tanghali. Magrereport pa raw sana si Buboy sa taping ng comedy sitcom na
JejeMom with Eugene Domingo ngunit sumama na raw ng husto ang pakiramdam nito kaya dinala na sa ospital at kapatid na si Ronron. Sa ospital ay natuklasan na may dengue ang magkapatid. Sa
panayam ng GMANews.TV sa telepono nitong Biyernes, sinabi ni Gng Noeme Tamayo, ina ng mga bata, na unang dinala ang kanyang mga anak sa Perpetual Help hospital ngunit inirekomenda na ilipat sila sa UST dahil mas kompleto ang gamit doon sa pag-asikaso sa mga may sakit na dengue. Hindi mabatid ni Gng Noeme kung saan posibleng nakuha nina Buboy ang dengue. Gayunman, nanggaling umano ang batang aktor sa Lucena noong Sabado at naging matamlay ito pag-uwi. Humihingi rin ng suporta si Gng Noeme sa mga taong makatutulong sa kanila sa gastusin sa ospital dahil malaking halaga ang kanilang kakailanganin sa pagpapagamot ng magkapatid. Sa murang edad, si Buboy ang nagsisilbing breadwinner sa pamilya dahil hiwalay na ang kanyang mga magulang. Ilan sa mga programa sa Kapuso Network na nilabasan ni Buboy ay ang
Panday Kids, Dyesebel, at
Darna kung saan ginampanan niya ang papel na ‘Ding,’ kasama ang lead star na si Marian Rivera. -
FRJimenez,GMANews.TV