Filtered by: Lifestyle
Lifestyle

Mga chika, chismax, at chukchak ni Pete Lacaba


“Chuvachuchu," “Jologs," “Krung-krung" at “Kikay." Ilan lang ‘yan sa mga nakaaaliw na salita na madalas nating marinig sa mga showbiz personalities… na malamang ginagamit mo rin paminsan-minsan. Pero kagaya ka ba ng manunulat na si Pete Lacaba na nagtatanong kung saan nga bang lupalop nahugot ang mga salitang ito? Karaniwang sa mga bading at mga personalidad sa showbiz natin naririnig ang mga kakaibang salitang ito, na noong una ay iilan lang siguro ang nakakaintindi. Pero sa paglipas ng panahon, naging karaniwan na ito sa ating pandinig at tila nagbago na rin ang kahulugan. Ano nga ba itong “chuvachuchu" na parang nagtataboy lang ng aso? Ang “Krung-krung" ay tunog ba ng “ring" ng lumang telepono na pa-ikot pa noon ang dial? At itong “Kikay," hindi ba parang tunog ng maselang bahagi ng katawan ng babae? Sa librong ‘Showbiz Lengua: Chika & Chismax about Chuvachuchu’ na akda ni Pete Lacaba, hinimay niya ang ilang “posibilidad" na pinanggalingan ng mga showbiz o gay lingo na ito. Isinama na rin niya ang iba pang “pinausong" salita na ang kahulugan ay hindi mo makikita sa mga diksyunaryo sa Filipino o sa mga translator sa Internet. Pero paalala ni Lacaba sa kanyang libro: “Don’t ask me for lexicographic proof. My assertions here are based purely on chika, chismax and chukchak." Chuvachuchu achuchu

Ang “chuvachuchu" ay nagsisilbing pamalit kapag hindi alam ng artista ang isang salita o phrase. Example niya: Si Pedro ay nag-aaral sa Mababang Paaralan ng (hindi alam ang pangan ng eskuwelahan) Chuvachuchu."

Ang ‘Showbiz Lengua: Chika & Chismax about Chuvachuchu’ ay pinagsama-samang lumang artikulo na isinulat sa isang magazine ni Lacaba. At ang kanyang K – siya ay nagpakilalang isang editorial consultant by trade, poet, lyricist, journalist, screenwriter, piano-bar habitué, at ‘Pinoyspeak-watcher.’ Ang pagiging mapagmasid sa mga salitang Pinoy marahil ang nagtulak kay Lacaba para pag-aksayahan ng panahon ang paghahanap ng kasagutan sa kanyang mga tanong kung saan nga ba nagmula ang kataga na tinalakay niya sa libro. Sino nga ba ang hindi napaindak at naaliw sa kantang “Chuvachuchu" ni Jolina Magdangal? Sa kasikatan ng salitang ito, maging ang ilang pulitiko ay nakakatuwaan na ring gamitin ito sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga tao. Ayon kay Lacaba, batay sa paliwanag ng screen writer na si Bibeth Orteza, ang “chuvachuchu" ay nagsisilbing pamalit kapag hindi alam ng artista ang isang salita o phrase. Example niya: Si Pedro ay nag-aaral sa Mababang Paaralan ng (hindi alam ang pangan ng eskuwelahan) Chuvachuchu." Aminin natin, malamang magki-klik ang pulitiko kung gagamitin din niya ang “chuvachuchu" sa kanyang speech. Dahil bukod sa kakabit ito bilang humor, parang cute na maringgan natin ang mga opisyal na gagamit ng mga showbiz o gay lingo. Hindi ba “bonggacious" kapag narinig mo si mayor na nanawagan sa taong-bayan na: “Sa ikauunlad ng bayan…"chuvachuchu" ang kailangan!"
Si Lacaba ay isang editorial consultant by trade, poet, lyricist, journalist, screenwriter, piano-bar habitué, at ‘Pinoyspeak-watcher’.
Mula sa hit single ni Jolina, ayon kay Lacaba, ang ‘kachuvahan’ ay naging pangalan ng isang kainan na pag-aari rin ni Jolens, ang “Chuva-Chicha." Kung medyo mahirap arukin ang “chuva," mas madali namang unawain ang “chicha," na halos katunog lang naman ng “tsibog," na ang ibig sabihin ay “kain." Tanong ni Lacaba, hindi raw kaya ang salitang “Chuva" ay pang-“general patronage" version ng bulgar na salitang “tsu-a?" At ang “chuchu" ay baka raw hango naman sa linya ng kanta ng grupong Platters" na madaling tumirada ng “tsutsuwa" na sinasabayan noon ng pitik ng kamay paitaas. “Jologs" o “Krung-Krung?" Naging pamalit sa tawag na “bakya" o “baduy" ang salitang “jologs." Pero sa mga “tibak" o aktibista, mas gusto pa rin nilang matawag na “masa." Puna ni Lacaba sa kanyang libro, kung noon ay parang ikinahihiya na matawag na “bakya" o “baduy," ngayon, may mga artista na ipinagmamalaki pa ang kanilang “jologness." May isa pa nga raw artista na nagmalaki na kumakain siya ng isaw sa kanto at sumasakay ng traysikel. Ang jologs, ayon kay Lacaba, ay kabaliktaran ng sosi (sosyal) o coño (elitista). Pero ang Jologs nga ba ay hango sa palayaw sa fans club ni Jolina na “Jol Org" o Jolina Organization? Sa pagkawari ng film director na si Uro dela Cruz, ang “jolog" ay salitang bakla na naglaro sa prefix na dyo o jo: “Kung may lakad, sinasabing may “dyokad." At ang mabaho ay bibigkasing “madyoho."
Ang jologs ay kabaliktaran ng sosi (sosyal) o coño (elitista). Pero ang Jologs nga ba ay mula sa fans club ni Jolina na “Jol Org" o Jolina Organization?
Paliwanag naman ng composer na si Ryan Cayabyab, ang “jolog" ay salitang bading sa pagbigkas ng “ilog" “dahil maraming mga jolog na mga taga-tabing ilog (squatters)." Sa pananaw naman ng mang-awit na si Heber Bartolome, binalikan nito ang album na ginawa ng namayapang si Francis Magalona noong 1995. Sa naturang album ay nailarawan umano na ang “jolog" ay isang: “nakahubad, nakatingkayad, walang magawa, nakadungaw sa bintana, sa kalasingan nang magising ay seven pm." Kung pagbabatayan ang liriko sa awitin ni Francis M, mukhang “tamad na walang silbi" ang ibig sabihin noon sa jolog na tila hindi kaaya-ayang ipagmalaki. Pero marahil sa paglipas ng panahon ay nagkaroon na ito ng bagong kahulugan dahil na rin sa paggamit ng mga artista. Pero kung titingnan naman daw ang taon nang lumabas ang album ni Francis M, kaduda-duda kung nagmula sa fans club ni Jolens ang salitang “jologs" dahil palaisipan kung sikat na si Jolens noong 1995. Tulad ng “jologs" na tila nagkaroon na rin ng ibang kahulugan ang salitang “Krung-krung" na naging palayaw ng dating teen star na si Sandara Park, na dugong Koreana. Paliwanag daw ng dating ka-love team ni Sandara na si Hero Angeles, ang kahulugan ng “krung’krung" ay “kikay." At inilarawan naman ng aktor na si Luis Manzano, na “weird, funny at cute."

…my educated guess as a self-proclaimed etymologist – that krung krung is an affectionate nickname for Koreana
– Lacaba
Pero sa isang eksena sa pelikula na pinagtambalan nina Sandara at Hero, tinanong daw ng aktres ang actor kung ano ang kahulugan ng “krung krung?" At nang imuwestra ito ni Hero, inikot niya ang kanyang daliri sa gilid ng ulo (bandang taenga) na mas naiintihan natin na senyales ng sira-ulo. Kung si Sandara raw talaga ang orihinal na “krung-krung," sabi ni Lacaba, “… my educated guess as a self-proclaimed etymologist – that krung krung is an affectionate nickname for Koreana." Kikay, Birit, Relevance …Plangak! Marami pang “imbentong" salita (kasama na rin ang mga maituturing na “political lingo" gaya ng “borger," “sulsoltant," at “CPR") na tinalakay si Lacaba sa kanyang libro. Nagbato rin siya ng suhestiyon sa ilang salita na akma lang sa mga babae at walang pang-lalake. Kasama na dito ang “Kikay" na mayroong magkakaibang pagturing sa babae katulad ng malandi, maarte , masayahin, kalog at madaldal.
In one interview, Heart Evangelista described herself as super kikay and sobrang daldal – Showbiz Lengua
Ayon kay Lacaba, noong 1958 ay nagamit na ang salitang Kikay sa one play act ni Marcelino Agana Jr, na “New Yorker in Tondo," na nanalo ng Palanca Award. Ang Kikay sa obra ni Agana ay tumukoy sa isang Tondo girl na bumalik sa Pinas at nagpilit na tawagin na siyang Francesca – na bagay ang nick name na “Kikay." Kung ang Kikay ang karaniwang palayaw sa babaeng Francesca, at Kiko naman sa Francisco, tanong ni Lacaba, bagay daw bang itawag sa mga kelot na “maarte, kalog at madaldal"… ang Kenkoy, Kikoy o Pabling? Kasama rin sa hinimay ni Lacaba sa libro ang “Birit" na kadalasang ginagamit sa paglarawan sa pagkanta ng matataas na nota. Ang tanong, ang “birit" kaya ay galing sikat na kanta ni Michael Jackson na “Beat It? Mula sa kanya, ang lalagyan natin ng inigib na tubig na “palanggana" ay naging expression sa sagot na “tama" bilang “Plangak!" Madalas din nating marinig ang salitang “Swak sa Banga" na tumutugon kapag tama ang sagot. Kung sa political reporter ay may tinatawag na “ayusan " o “padulas" naman sa government offices, sa showbiz industry ay nabanggit sa libro ni Lacaba na salitang “happiness" at “relevance" na perang ibinibigay sa showbiz media. ‘ Keri’ lang kay Almario Ayon sa Filipino language critic na si Virgilio “Rio Alma" Almario, walang masama sa pag-usbong ng mga salita na wala pang malinaw na kahulugan sa diksyunaryo basta nagagamit ito sa komunikasyon. “Kung paraan ‘yan ng pag-express ng saloobin nila walang masama diyan. Pero ibang usapan na kung ipipilit iyan na ipagamit kahit hindi naman naiintindihan ng iba," paliwanag ni Almario, na isang National Artist for Literature.

Kung paraan yan ng pag-express ng saloobin nila walang masama diyan. Pero ibang usapan na kung ipipilit iyan na ipagamit kahit hindi naman naiintindihan ng iba
– Almario
Nagkakaroon din umano ng kabuluhan at sumisikat ang isang inimbentong salita kung ang taong pagmumulan nito ay kilalang personalidad, na katulad sa mga gay lingo ay mabilis na kumakalat dahil nagagamit din ito ng mga sikat na artista. At kung patuloy na gagamitin ang salita sa paglipas ng mga taon, sinabi ni Almario na may posibilidad na maisama na ang mga salitang ito sa dikyunaryong Filipino at hindi na lamang basta sa bokabularyo ng mga salitang bading. Sa bagong edisyon ng dikyunaryong Filipino (2010) ng University of the Philippines, ilang kataga na noo’y bahagi lang ng tinatawag nating “gay lingo" o “salitang bading" ang nakasama na sa listahan ng mga salitang Filipino. Kabilang sa mga salitang ito ang ‘tsika’ na ang ibig sabihin ay hindi seryosong usapan o bolahan o batang babae; ang ‘tsugi,’ na ang kahulugan ay tao, bagay, karanasan o pangyayari na hindi kanais nais, o hindi pumasa sa pamantayan; at ‘imbiyerna’ na salin sa salitang Kastila na ‘imbiyerno.’ Sinabi ni Almario, nasa likod ng UP diksyunaryong Filipino: “Buhay ang wika natin at nagbabago iyan. Walang problema kahit sa pagtagal ay magkaroon ng pagbabago basta ang mahalaga nauunawaan natin at alam natin ano ang kahulugan para tama ang paggamit natin." – YA/GMANews.TV