Filtered by: Topstories
News

Sec Carandang may pananagutan din sa 'tweet scandal' ng opisyal


MANILA – Inihayag ng isang kongresista na dapat magpaliwanag din si Secretary Ricky Carandang Presidential Communications Development and Strategic Planning Office, kaugnay sa kontrobersiyal na mensahe sa Twitter ng isang opisyal nito tungkol sa kanilang biyahe sa Vietnam. Ayon kay Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan, bukod sa nasa ilalim ng tanggapan ni Carandang si Assistant Secretary Carmen “Mai" Mislang, siya rin ang nakapalitan ng “tweet" ng huli nang punahin nito ang inihandang “wine" sa kanila ng pamahalaan ng Vietnam. Sina Carandang at Mislang ay kapwa bahagi ng delegasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, sa kanyang unang State Visit mula nang manalo sa nakaraang May 10 elections. Bilang pinuno ng ahensiya, sinabi ni Ilagan na dapat pinagbawalan agad at pinayuhan ni Carandang si Mislang nang makita ang tweet ng huli nang punahin ang inihandang “wine" para sa kanila. Bago mawala sa Internet ang Twitter account ni Mislang, nakita doon ang pagtanong ni Carandang kay Mislang kung anong wine ang pinupulaan nito. (Basahin: ‘Twitter scandal’ ng speechwriter ni PNoy ‘di na dapat palakihin – Honasan) Ang inasal umano ni Mislang ay pagpapakita ng kawalan ng “humility" o kababaang-loob ng ilang opisyal sa administrasyong Aquino, ayon sa kongresista. Maging ang desisyon ng Malacanang na ipagbawal ang paggamit ng mga social networking sites sa ilang opisyal ay pinuna rin ni Ilagan. “The suspension is another knee jerk reaction from Malacanang. It just shows that they do not trust one another. They cannot distinguish the responsible ones from the careless and arrogant. It is an admission that those in charge did not properly orient the subordinates," ayon sa mambabatas. Para naman kay Aurora Rep. Juan Edgardo “Sonny" Angara, hindi dapat balewalain, at sa halip ay ituring matinding leksiyon ng mga opisyal ni Aquino ang nangyari kay Mislang. “At the end of the day what they say and do will be seen to reflect on the President, whether positively or negatively," paalala niya. Una rito, sinabi ni AGHAM party-list Rep. Angelo Palmones na hindi dapat madamay ang lahat ng opisyal sa Malacanang dahil lamang sa pagiging iresponsable ng isa. Sa halip na ipagbawal ang paggamit ng mga social networking sites, sinabi ni Palmones na dapat turuan na lamang ang mga tauhan, katulad ni Mislang kung papaano matutong magpakumbaba. - GMANews.TV