Filtered by: Showbiz
Showbiz

PEP: Marian Rivera describes her new leading men in Amaya


Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Marian Rivera sa isang event para sa Yes Pinoy Foundation sa NBC Tent, Taguig City nitong Linggo. Sabay na dumating sa venue si Marian at ang kanyang boyfriend na si Dingdong Dantes, na siyang founder at chairman ng Yes Pinoy Foundation. Ikinuwento ni Marian sa PEP ang ipinagawa sa kanya ni Dingdong para sa naturang event. "Sa akin nakatoka yung mga celebrities na talagang i-invite namin para pumunta rin sila dito. Yung mga malapit sa puso din namin," sabi niya. Kasama umano sa kanyang mga inimbitahan, na dumalo nga, sina Heart Evangelista, Daniel Matsunaga, Arthur Solinap, Paolo Contis, at Rochelle Pangilinan. Masaya si Marian dahil malaki ang suporta ng kanyang mga kaibigan sa adbokasiya ni Dingdong. Proud daw silang lahat para sa aktor. "Siyempre, kung meron mang masaya diyan, e, kaming talagang mga taong nagmamahal sa kanya at nasa likod nito, di ba? Talagang proud na proud kami na nakabuo siya ng isang Yes Pinoy Foundation na ang talagang focus niya, e, tumulong talaga sa mga kabataan, mapag-aral, at mabigyan ng magandang kinabukasan," saad ni Marian. NEW LEADING MEN. Tinanong din ng PEP si Marian tungkol sa bago niyang primetime soap na Amaya. Ayon sa aktres, inaayos na ang schedule para sa taping nito. "Nakapag-storycon na kami. Pero yun nga lang, medyo kumplikado pa kung kailan yung taping, kasi apat o limang bangka yata ang binubuo para magsimula ang set. At sa isang bangka, 1.8 [million] ang isa. So, ganun kamahal, at ganun kagastos. "Pero, kung March na papasok, sigurado na magte-taping na ako. Kasi by April, launching na siya, e," banggit ni Marian. Gayunpaman, ngayon pa lang daw ay nagte-training na siya ng arnis, para sa kanyang fight scenes. Kinikilala na rin niya ang kanyang mga leading men—sina Sid Lucero at Mikael Daez—para sa nalalapit na taping. Masayang idinetalye ni Marian kung ano ang masasabi niya kina Sid at Mikael. "Si Sid Lucero, e, first time ko siya siyempre makakatrabaho, bilang nanggaling siya sa kabila [ABS-CBN]. Well, nagkita naman kami ng dalawang beses sa audition at sa storycon. Mabait naman yung tao, at saka kapatid kasi siya ni Gabby [Eigenmann]. Si Gabby, malapit din sa puso ko na kapatid niya. So, siguro wala kaming magiging problema. "Si Mikael Daez, e, talagang bago sa showbiz. Wala pa talaga siyang kaalam-alam. No workshop, no everything. Alam lang niya is mag-modeling. Ang sabi ko naman, nandito naman ako para suportahan. "Gagawin ko din lahat para mapaganda ang Amaya. Lahat kami magtutulungan talaga." Hindi naman napigilan ni Marian na tumawa nang tanungin ng PEP kung sino ang mas gusto niya sa dalawa niyang leading men. "Ay, si Dong bet ko! Ano ba!" ang mabilis niyang sagot. ANG SPOOKY MO! Pagpapatuloy ni Marian, mas nakakasama niya raw si Mikael ngayon kaysa kay Sid, dahil kasama niya ito sa isa pa niyang bagong show sa GMA-7, Ang Spooky Mo! Presents Bampirella. Tinuturuan daw ni Marian ang baguhang aktor kung paano humarap sa kamera. Kuwento ng aktres, "Nag-taping na kami. Tapos tinuturuan ko siya na, 'Ay, hindi ganyan. Ganito ang blocking. Halimbawa, kapag sinuntok ka, dun lang, peke lang. Huwag mong totohanin.' So, tinuturuan ko naman siya unti-unti." Attentive naman daw si Mikael sa mga tips na ibinibigay ni Marian. "Nakikita ko naman na ina-absorb naman niya. Tine-take naman niya na hindi as negative yung tinuturo ko na ganito. Di naman siguro siya nako-conscious, kasi interesado talaga siya sa pag-aartista," paliwanag ni Marian. Sa March na raw ipalalabas ang horror-comedy show na ito, kaya naman todo na ang pag-promote niya. Ano ba ang aabangan ng mga manonood sa Bampirella? "Ano 'to, horror-comedy, e. So, papangit ako dito, magiging bampira ako. Bampira ako pero takot ako sa dugo, yung mga ganun!" sabi ni Marian na tila excited na excited. - Mark Angelo Ching, PEP