Filtered by: Showbiz
Showbiz

PEP: Willie Revillame's tirade against his critics on the Jan-Jan 'incident'


Nagpahayag ng sampung minutong tirada si Willie Revillame nitong Martes ng gabi, March 29, sa live episode ng Willing Willie laban sa kanyang mga kritiko. Bagamat mahinahon ang boses ng kontrobersyal na TV host, bakas sa kanyang mga salita ang matinding emosyon matapos malagay sa kontrobersya ang March 12 episode ng kanyang variety and game show sa TV5. Pinatamaan ni Willie ang mga ahensiya ng pamahalaan at mga artista na bumabatikos sa kanya. Nagbigay rin siya ng mensahe na tila nagbibigay ng babala sa mga advertiser na balak i-boycott ang kanyang programa. Natunghayan sa March 12 episode ang six-year-old na si Jan-Jan, na sumasayaw na tila "macho dancer" sa talent portion ng isang palaro. Natuwa si Willie sa talent ng bata, at limang beses pang pinaulit sa bata ang pagsayaw na ito. In-upload sa Youtube ang segment na ito, at dito na nagsimula ang pagbuhos ng galit dahil umano sa "pag-abuso" ni Willie sa bata. Ayon sa mga kritiko, hindi dapat pinaulit-ulit ni Willie ang "macho dancing" ni Jan-Jan, dahil hindi umano natuwa ang bata sa kanyang ginagawa. Umiiyak pa nga raw ito sa pinakitang video. Ilang ahensiya ng pamahalaan ang nagbigay ng reaksyon sa naganap na insidente. Dalawa rito—ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang Commission on Human Rights (CHR)—ang agad na nagkondena sa tinawag nilang "child abuse." Pinili naman ng Movie and Television Classification Board (MTRCB), sa pamumuno ng Chairperson nitong si Mary Grace Poe-Llamanzares, na mag-imbestiga muna bago magbigay ng sariling konklusyon. May ilan namang mga artista at celebrity na nagbigay ng kanilang reaksyon, kasama na sina Lea Salonga, Jim Paredes, Kat de Castro, Bianca Gonzalez, at Monique Wilson. Pumanig sila sa DSWD at CHR sa pagkokondena ng Willing Willie dahil sa "child abuse." Ayon pa sa ilan, hindi dapat palampasin ang paggamit umano ni Willie sa mga mahihirap para sa kanyang sariling kapakanan. Sa isang blog, nanawagan si Monique sa mga katrabaho sa industriya na magpahayag ng kanilang saloobin sa kontrobersiya at huwag matakot na mawalan ng trabaho. Ilan sa mga hakbang na iminungkahi ng mga nagprotesta ay ang pag-boycott sa Willing Willie, at ang pagsulat sa mga advertisers na hindi suportahan ang palabas. Dahil sa pagiging host ng Wowowee at ng Willing Willie, na loyal na tinatangkilik ng mahihirap at masang manonood, isa si Willie sa pinakamayayamang tao sa Pilipinas. Bilang simbulo ng kanyang kayamanan, nagmamay-ari si Willie ng ilang malalaking bahay, isang yate, at isang koleksyon ng luxury cars. Isa rin si Willie sa mga top taxpayers ng bansa sa 2008, ayon sa report ng Bureau of Internal Revenue noong April 2010. WILLIE'S TIRADES. Dahil sa sunod-sunod na batikos ay pinili na ni Willie na maghayag ng kanyang depensa sa live episode ng Willing Willie nitong Martes ng gabi, March 29. Hindi na bago kay Willie ang paghayag ng saloobin sa kanyang mga live programs. Ginawa na rin niya ito noong siya pa ang host ng Wowowee sa ABS-CBN, bilang reaksyon sa batikos sa kanya sa pagpapatigil niya ng live feed ng libing ng dating Pangulong Corazon Aquino noong August 3, 2009. Ang outburst naman niya sa Wowowee noong May 4, 2010 ang nagsimula ng alitan niya sa mga executives ng ABS-CBN. Sa naturang episode ay hayagan niyang hinamon ang mga executives na magre-resign siya sa noontime show kung hindi patalsikin sa network ang showbiz commentator na si Jobert Sucaldito. Matatandaang live ding nagpahayag si Willie ng kanyang pagkadismaya sa pag-host ng mga kaibigang sina John Estrada at Randy Santiago sa noontime show ng ABS-CBN na Happy Yipee Yehey. Binatikos ni Willie ang desisyon nila sa January 26, 2011 episode ng Willing Willie. Ang pagsasa-ere ni Willie ng kanyang mga saloobin sa kanyang mga programa ang dahilan ng pagdami ng mga taong galit at nayayabangan sa kanya. Nagbunsod din ang mga ito ng ilang kampanya para mawala si Willie sa telebisyon. WILLIE'S DEFENSE. Tumagal ng sampung minuto ang tirada ni Willie kagabi laban sa mga bumabatikos sa kanya. Ang pahayag ni Willie ang nagbukas ng kanyang programa. Halata namang suportado ng staff at mga manonood ng show ang mga pahayag ni Willie dahil tuloy-tuloy ang pagpalakpak nila sa bawat salita ng TV host. Sa kanyang pahayag, sinabi ni Willie na nasaktan siya sa mga dumating na batikos dahil sa pagsayaw ni Jan-Jan sa kanyang programa. Aniya, tila pinatay na siya ng kanyang mga kritiko, kahit wala umano siyang kasalanan sa nangyari. "Kasi masyadong mabigat yung hinuhusgahan niyo kaagad ako. Pinatay niyo na ako. Cancer pa lang sakit ko, patay na ako. Grabe ho yung mga nakasulat kanina, binabasa ko ho. Pero hindi ako, wala akong feeling na guilty. Wala ako. Hindi ako guilty kasi. Wala ho," saad niya. Tila raw nabura kasi ng isang insidente ang magaganda umanong gawain sa Willing Willie. "Yung sampung nagawa naming kabutihan, [dahil sa] isang mali na hindi naman pagkakamali, binabalewala niyo yun. E bakit ba init na init kayo sa akin? Guwapong-guwapo ba kayo sa akin? Ganun ba? E parang ganun lang, e. Ito lahat e biro lang, pero, hindi ba? Nagtataka lang." Paliwanag ni Willie, ang mga magulang ni Jan-Jan ang tunay na may kasalanan sa insidente. Dagdag niya, nagbigay-malasakit pa nga raw ang staff ng kanyang show. Saad niya, "Una sa lahat, yung nangyari sa batang si Jan-Jan, bago pa ho mag-audition yun, yun na ang gusto ng magulang niya na isayaw. Actually nga ho mabait pa ang staff namin. "Kasi ang dala nilang CD dun para sa bata, ang gusto [nilang] patugtugin, 'Careless Whisper.' E alam niyo naman ho kung saan nanggaling ang 'Careless Whisper' na yan. Sobrang ano ho yan, naging eskandalo ho yan, sa video." Ang tinutukoy ni Willie na eskandalo sa kantang "Careless Whisper" ni George Michael ay ang pagkasama nito sa mga lumabas na sex videos nina Hayden Kho Jr. at Katrina Halili noong 2009. "So, nagprotekta pa rin ho kami dun sa bata, which is, hindi ko alam yan, a. Nalaman ko lang yan kahapon nung nakausap ko yung magulang. Yung staff namin, gumawa pa rin ng paraan. Sensitive pa rin doon, sa part na yun na, bakit natin pasasayawin ng ganun, at yun ang tugtog. So medyo malisyoso ho yun, kasi alam natin." Imbes na "Careless Whisper," ay ang kantang "The Next Episode" na lang nina Dr. Dre at Snoop Dogg ang pinatugtog. Pagpapatuloy ni Willie, "Ang problema ho dito, yung magulang po ni Jan-Jan ang may gustong yun ang sayawin nung bata! Hindi ko... ni hindi ko nga nakikita ang mga yan, e. Hindi ba? Dito ko lang ho nakita yan. O kumusta ka na? O ano ang talent mo? Biglang sumayaw yung bata." Hindi rin daw totoo na umiiyak si Jan-Jan dahil sa pinapasayaw siya; hindi raw ngumingiti ang bata dahil wala raw itong ngipin. "Bakit umiiyak yung si Jan-Jan? Natakot kay Balingit! Isa po yun! Tinanong ko nang personal, e. Hindi po ako magsisinungaling... "Kaya siya umiiyak, na ano, dahil kay Balingit, at wala daw siyang ngipin. Ayaw daw niyang ngumiti. Dapat maintindihan." Si Bonel Balingit ang basketball player na lumabas din sa naturang talent portion. Dagdag niya, may ebidensiya raw silang kahit four years old pa lang si Jan-Jan ay "macho dancing" na ang alam nitong sayaw. "Alam niyo meron siyang video, a, sa school niya, four years old pa lang siya, yun na ang sayaw niya, saka ganun na ang reaction niya. Yun na, papakita yata sa MTRCB yan, papakita yata sa ano. So para lang maliwanagan niyo," sabi ni Willie. Ang dahilan naman ni Willie sa paulit-ulit niyang pagpasayaw sa bata ay nagkakatuwaan umano sila. "Sabi ho nila, inabuso ko dahil ilang beses kong pinasaya, pinasayaw. Dahil ho masaya, nagkakasayahan po dito," sabi ni Willie. PLOT AGAINST WILLIE? Pagbubulgar ni Willie, may mga tao umanong nais siraan ang kanyang pagkatao at ang kanyang programa, kaya tuloy-tuloy ang nangyayaring pagbatikos. May pumupunta raw kasi sa bahay ni Jan-Jan at nagbubuyo umano sa pamilya nito para siraan ang TV host. Kuwento ni Willie "Ngayon eto, nakausap ko ang tatay ni Jan-Jan, para maliwanagan yun. Kanina tumawag siya sa akin. Sabi niya, 'Kuya.' Sabi ko, 'Sino to?' 'Ako po yung tatay ni Jan-Jan. Kinuha ko yung number niyo ho. Gusto ko lang malaman niyo na may nagpunta ditong direktor, at may isang babae, at sabi ho sa akin, siraan daw kayo.' "Siya na ang magsasabi. 'At gusto siyang kunin, at gustong [bigyan ng] scholarship [ang] bata. Hindi ko po ginawa yun. Sabi namin, walang kasalanan dito si Kuya Willie, kami ang nagsabi doon sa anak namin na yun ang sayawin.' "May nagpupunta, tumatawag, siraan ako, wasakin yung show, at ang sabi... Ito, nakikita niyo nang nangyayari, o. Isipin niyo. And then, pumunta ang DSWD doon, kinausap sila, tinanong kung inutusan ko ang bata na yun ang sayawin. Ako ho ang pinupuntirya." Pinuri naman ni Willie ang MTRCB dahil hindi umano ito naglabas ng "mapanghusgang" pahayag, hindi katulad ng iba. "In fairness sa MTRCB, kay Chair[person] Poe, kay Ms. Mary Grace. Ako, I salute you Ma'am. Kasi ang sabi niya, 'Iimbestigahan muna namin bago kami magdesisyon.' I think that's the way to do it. Wag muna kayong maghuhusga. "Hindi ba? Kanina po nasa Inquirer ako, nasa Philippine Star. Winasak na ang pagkatao ko. Wala naman akong ginawa. Inabuso ko daw, talagang ganito ang ginagawa ko sa ano... "At eto pa ho ang masakit... Ginagamit ko raw ho ang mahihirap, ha, para sa programa. Ano ba ang nagawa niyo sa mahihirap? Ano ba ang binibigay niyo sa mahihirap araw-araw? Kami ang nagbibigay sa mahihirap, nakakatulong pa kami sa gobyerno. " WILLIE'S THREATS. Nagbigay naman si Willie ng mga paghamon sa mga artista na bumabatikos sa kanya. Aniya, dapat tumulong na lang ang mga nasabing artista sa mga mahihirap imbes na magbigay-puna. Ilan sa mga artistang nagbigay ng kanilang reaksyon sa pamamagitan ng Twitter ay sina Lea Salonga, Jim Paredes, Kat de Castro, Bianca Gonzalez, at Monique Wilson. Banta ni Willie, maraming magagalit sa mga artistang ito kapag inisa-isa niya ang kanilang mga pangalan. "At dun sa mga artistang nagti-tweet sa akin, tumulong na lang kayo sa inyong mga kababayan. Wag na kayong magsasalita sa tweet niyo. Hindi ko na ipapakita yang mga pangalan niyo. "Kasi pag binaggit ko sa inyo, maraming magagalit sa inyo. Maniwala kayo sa akin. Maraming magagalit sa inyo kapag binanggit ko ang pangalan niyo. Wag na kayong mag-tweet; pare-pareho tayong nasa industriya." Binantaan niya rin ang isang singer na hindi niya pinangalanan. "Mag-concert ka, kung sino ka man, ng libre, at yung perang kikitain mo, ibigay mo. Okay? Yun ang dapat mong gawin. Wag kang magtutu-tweet. "Sa ibang artista, magkakasama tayo rito, ha? Saka alamin niyo muna yung ginagawa ng programa. Hindi namin kailangang ipakita on-air o off-air lang. Marami kaming ginagawang kabutihan sa ating mga kababayan." Bukod pa rito, nagbigay rin si Willie ng banta sa mga advertisers na balak i-boycott ang kanyang programa. "Tapos yung iba, sumulat na sa mga sponsors namin, sa advertisers. Ang gusto nila, mag-boycott ang advertisers. Napakasakit na po ng ano, e, umaabot na ho sa ganun, na bino-boycott yung problema... "Alam niyo ho, pag binoycott kami ng advertisers, yung mga nagmamahal naman sa amin, hindi nila bibilhin ang produktong yan? Pag sina... Di ba? Hindi ho, e. Hindi naman ganun ang labanan dito." Agad na pinalakpakan ng studio audience ang pahayag na ito. Sa bandang huli, nagbigay si Willie ng konkretong hamon sa kanyang mga tagapagbatikos. "Ngayon, kung tatanggalin niyo ang programa, pinipilit niyo kaming mawala sa mundo. Sana kayo ang sumagot sa mga pangangailangan ng mga taong mahihirap na mga ito. Di ba?" saad niya. Sinumpaang salaysay Samantala, sa sinumpaang salaysay ng mga magulang ni Janjan, humingi sila ng pang-unawa sa mga kritiko sa nangyaring kontrobersiya sa bata. Iginiit ng mga magulang ni Janjan na sadyang talento ng bata ang pagsasayaw at inaasahan nila na ang pagsali nito sa programa ay magagamit na daan upang makapag-artista ito. "Napili ang sayaw na iyon para mangibabaw ang talento niya kumpara sa ibang mga contestant. Ito kasi ang napapanood niyang sayaw na kakaiba at kwelang kwela sa ibang show sa talabisyon. Alam kasi namin na 'pag mas maganda at mas kakaiba ang kanyang talento, mas mapapansin siya at mas marami ang masisiyahan sa kanya," pahayag ng sinumpaang salaysay. - Mark Angelo Ching, PEP/ GMA News