Filtered by: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Panalangin para sa mga OFW


Isang maganda araw po sa inyo at maaliwalas na panahon. Ako po si Alex P. Flores, isang OFW sa bansang Qatar. Nais ko po sanang ibahagi ang aking panalangin sa ating mga kababayan na mula po sa panig ng mga OFW. Nakalulungkot pong isipin na marami pong nagaganap sa labas ng bansang Pilipinas na kinabibilangan po naming mga OFW. Palagi na lang po na may balitang nangyayari na hindi maganda sa mga kababayan nating nasa labas ng bansa. Wala naman po akong maitutulong na pinansyal sa mga taong nasa mabibigat na problema sa kanilang lugar kundi ang gumawa ng panalangin para sa lahat. Sana po ay maisama ito sa iyong kolum lalo na po sa Pinoy Abroad. Maraming salamat po sa inyong oras na basahin ang aking ginawang panalangin para po sa aming mga OFW. Mabuhay po kayo at lahat ng bumubuo ng inyong programa. AMA NA AMING DIYOS

Maraming salamat po sa mga biyayang pinagkakaloob po ninyo sa amin sa araw-araw. Nagpapasalamat din po kami ng marami sa bawat araw na lumipas na kami po ay iyong ginabayan. Hinihiling po namin na lagi po ninyo kaming alalayan sa mga taong masasama at ilayo po ninyo kami sa mga kapahamakan na nangyayari sa ibabaw ng mundo. Palagi po sana ninyong gabayan ang aming mga mahal sa buhay na malayo sa aming piling. Mula sa aming Lolo, Lola, Tatay, Nanay, mga kapatid, Asawa't mga Anak, at lahat po ang myembro ng among pamilya. Patuloy po sana ninyong silang bigyan ng malusog na katawan at ilayo sa lahat ng kapahamakan. Sila lang po ang aming mga inspirasyon upang magawa po namin ang aming mga pangarap sa buhay. Ipinapanalangin din po namin sa inyo na gabayan ang lahat ng mga kababayan naming naiipit sa kanilang lugar tulad na lang po sa Middle East, Asia, Europe, at sa lahat po ng panig ng mundo na kinabibilangan po naming OFW. Sana matapos na po ang pagkakagulo sa mga lugar na kinabibilangan po namin. Patuloy po sana ninyo kaming bigyan ng lakas upang malabanan po namin ang mga pagsubok sa buhay. Basbasan po sana ninyo ang aming bansang Pilipinas na maging maganda ang ekonomiya at maging ang aming pamahalaan upang makabalik po kami sa aming bansang sinilangan. Sana po magkaroon kami ng paraan upang maging maayos ang aming bansang Pilipinas. Patawarin po ninyo ang aming mga pagkakasala kung kami man po ang nakagawa ng kasalanan na labag sa iyong mga utos. Nangangako po kaming lahat na magbabagong buhay at iiwasan po namin ang mga maling gawain upang maging karapatdapat sa inyong harapan. Gagampanan po namin ng maayos ang aming gawain inyong pangalan. Ang lahat ng ito ay hinihiling po namin sa pangalan ni Jesus...Amen. Si Alex ay isa ring bloggista at gumagawa rin ng mga istorya tungkol sa buhay-OFW. - GMA News Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!