
Nagdiwang ng kanyang ika-57th birthday last week ang kinikilalang “Bossing" sa showbiz industry na si Vic Sotto. Sa kabila ng kanyang nakamit na tagumpay, mayroon pa kaya siyang mahihiling? "Usually, ang wish ko para sa ibang tao and hindi para sa akin," pahayag ni Vic sa artikulong isinulat ni Bong Godinez para sa PEP (Philippine Entertainment Portal). Ayon pa kay Vic, hindi naman siya palahiling na tao ay naghihintay lang kung ano ang sadyang darating para sa kanya. “Ako, basta kung ano ang dumating, I make the most of it," aniya. "I enjoy it kahit mapaganda o mapasama pa'yan, e, pinapakinabangan natin." Sa kabila ng kanyang malaking kontribusyon sa industriya ng pelikulang Pilipino at maging sa music industry, nananatiling mapagpakumbaba ang actor-host na unang nakilala sa pagiging miyembro ng '70s disco funk band na VST & Company. Nagpahayag noon ang kinikilalang Comedy King na si Dolphy na si Vic ang posibleng magmana ng kanyang trono bilang hari ng komedya. Bagaman nasisiyahan si Vic sa mga natatanggap na papuri, sinabi nito na hindi siya kumportable kapag inilalarawan siya bilang "iconic" o "legendary" as an entertainer. "Kapag mga ganyan-ganyan, parang tribute na, e!" ayon kay Vic. "Hindi ko na lang pinapansin. Iconic, di ba? "Kasi ang Eat Bulaga! is an icon sa ganito, ganun. But me, sa personal, parang hindi ko kayang lulunin." Binigyan-diin pa niya na walang puwedeng pumalit kay Dolphybilang Hari ng Komedya niya. "Ako, at yung mga iba pang nasa komedya, e, mananatiling tagahanga ni Mang Dolphy." Nais daw ni Vic na gumawa pa ng maraming magagandang pelikula at TV shows, pati na ang pagtulong sa kapwa. "I want to do more beautiful movies, more meaningful TV shows, more public service, more love," sambit niya. "Ang tao kapag nakuntento ka, [ibig sabihin] pantay na ang paa mo sa lupa. Inihayag din ng komedyante ang kanyang pangarap na makapag-uwi ng acting award. Ito ay sa kabila na hindi itinuturing ng mga film critics ang mga komedyante bilang serious actors. "I just hope that someday ang mga hurado, e... Kasi nakagawian na ng mga tao na ‘pag sinabing comedy, 'Comedy lang 'yan, e!', pag-asam ni Vic. "Mas mahirap kayang mag-comedy kesa sa mag-drama! Patayin mo lang yung nanay nung bida, drama na, e! "I just hope they realize also. I mean, na-prove naman ni Dolphy 'yan. He has won quite a number of acting awards doing comedy and drama. "Kahit naman hindi ka mag-drama, e, puwede kang magkaroon ng acting award. "For me ha, hindi kailangang umiyak ka. Hindi mo kailangang magsisisigaw dun para ma-notice yung pag-arte mo."
Bong Godinez, PEP/ FRJ, GMA News