Azkals puspusan ang pagsasanay sa Germany
Makikipagtagisan ng galing ang Philippine Football Team Azkals laban sa hanay ng mga manlalaro ng football team mula sa ilang bayan ng Germany simula sa Huwebes (araw sa Pilipinas). Dumayo sa Germany ang Azkals noong Linggo bilang bahagi ng kanilang paghahanda kontra Sri Lanka Brave Reds sa pagsasagupang gaganapin sa Pilipinas. Ang paghaharap ng Pilipinas at Sri Lanka sa June 29 at July 3, ay qualifying match para sa 2014 World Cup. Nagsasanay sa Germany ang Azkals sa pamumuno ni coach Hans Michael Weiss at team manager Dan Palami. Apat na ‘test matches’ ang nakatakdang suungin ng Azkals doon. Ito ay bahagi ng suporta ng football association ng nabanggit na bansa sa Philippine Football Federation. Pagkatapos ng unang laban kontra Aachen-Duren, haharapin naman ng pambansang koponan ang hanay ng Bonner, isang under-19 Junioren Bundesliga team mula sa rehiyon ng Cologne sa kanlurang bahagi ng Germany. Sa Biyernes ay maghaharap naman ang Azkals at Bonner. Sa susunod na linggo ay magtutungo ang Azkals sa bayan ng Gerolfingen, Bavaria para sa test match laban sa Ingolstadt I, isang Bundesliga 2nd division team. Ang huling test match ng Azkals sa Germany ay gaganapin sa Biyernes, June 24, sa Darmstadt City, sa rehiyon ng Hesse. Dito ay makakaharap ng Azkals ang Darmstadt 98, isang Bundesliga 2nd division team na naging regional champions noong 2010-11.
