Ang ‘Think Before You Click’ campaign ng GMA Network
Dahil sa mabilis na pagdami ng mga Pinoy na nahuhumaling sa mga social networking site gaya ng Facebook at Twitter, inilunsad ng GMA Network ang kampanyang, ‘Think Before You Click.’ Sa ulat ng GMA News TV State of the Nation nitong Biyernes, sinabing pampito na ngayon ang Pilipinas sa buong mundo na may pinakamaraming gumagamit ng Facebook. Bukod dito, mabilis din ang pagdami ng mga Pinoy na nagbubukas ng kanilang mga Twitter account. Kaya naman bilang bahagi ng “Serbisyong Totoo" ng GMA Network, inilunsad ang kampanyang ‘Think Before You Click,’ para paalalahanan ang mga Kapusong Pinoy tungkol sa responsabilidad sa paggamit ng mga social networking site. “Sometime we forget what we posts online stays there forever. Hindi ‘yan parang, I can delete it tapos mawawala na, hindi ganun ang Internet di ba?" pahayag ni Sheila Paras, News Creative Imaging Head, GMA Network, sa ulat ni GMA news reporter Dano Tingcungco.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Dagdag pa ni Paras, kahit “anonymous" o hindi tunay na pangalan ang ginamit sa binuksang account, hindi ito dahilan para manira at manakit ng kapwa sa mga social networking site. “Just because meron silang mga account they’re anonymous so to speak, pwede na silang basta-basta na lang manira ng ibang tao. Hindi nila nalalaman na yung taong sinisiraan nila, totoong tao ‘to, merong personality outside the Internet; totoong buhay ‘yon na naapektuhan," paliwanag niya. Kabilang sa mga magbibigay ng tips tungkol sa responsableng paggamit ng mga social networking site ay ang mga Kapuso stars na sina Iza Calzado, Maxene Magalona, Moymoy at Palaboy, Ramon Bautista, at German “Kuya Germs" Moreno. Nandiyan din sina Howie Severino, news anchor at Editor in Chief ng GMA News Online; Gang Badoy, founder RockEd Philippines; Carlos Celdran, Manila tourist guide at si Secretary Mario Montejo, Department of Science and Technology. Ang ‘Think B4 U Click’ campaign ng Kapuso ang kauna-unahang social media awareness campaign ng isang media organization sa bansa. Ayon kay Maxene, siya man ay ilang beses nang napagsabihan ng masama, napadalhan ng mga negative comments at nabastos sa mga social networking site. “Ang gusto ko lang ipaalala na sana matuto pa rin tayong rumespeto ng kapwa," ayon sa young actress. Samantala si Iza, natuto raw na i-censor ang sarili sa mga ipino-post sa kanyang mga social networking site. Ang simpleng paalala naman ni Howie, “ Dapat lagi mong iniisip na ang social media ay isang public space, kung ano ang ayaw mong gawin sa publiko dapat hindi mo gagawin dito." Mapapanood ang “Think Before You Click" campaign sa lahat ng platform ng GMA Network kasama na ang GMA 7, GMA News TV 11 at GMA News Online. Abangan din ito sa Twitter at Facebook account GMA News. – FRJimenez, GMA News