PNoy, hindi sang-ayong baguhin ang 1987 Constitution
Hindi sang-ayon si Pangulong Benigno Aquino III sa desisyon ng Kongresong ituloy ang proseso sa pagpapabago ng economic provisions ng 1987 Constitution. "We are in a democratic country, all of these ideas should be explored but if I’m asked [of] my personal opinion, I don’t think Chacha is a necessary move at this point in time," ipinahayag ni Aquino sa mga mamamahayag matapos niyang pangunahan ang oath of office ng ilang mga bagong hirang na opisyal. Kabilang sa nasabing oath of office sina Philippine National Police chief Director General Nicanor Bartolome, mga opisyal ng Philippine Press Institute, at Filipino Society of Composers, Authors and Publishers, Inc. Ayon kay Aquino, patuloy siyang maninindigan laban sa Charter change. “Sa palagay ko, napaka-public ng positions ko dyan for such a long time. ‘Yung mode na Con Ass (Constitutional Assembly), tinutulan ko nung araw yan," aniya. Ipinahayag ni Aquino na pakikinggan niya ang mga argumento ng Kongreso ngunit lubos pa rin ang kanyang paniniwala na hindi sagot sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa ang pagbabago ng economic provision ng Konstitusyon. Aniya, “Yung reasoning na economic provisions pag uusapan namin ng mga leaders, syempre kailangan kong pakinggan yung magkabilang panig. Hindi ako sang-ayon na yun ang solusyon para palaguin ang ating economiya." Ginamit ng pangulo ang China bilang halimbawa. “China alam natin ang sistema ng kanilang batas pero ang laki laki ng merkado. Yun ang nag-eengganyo na dumating yung mga mamumuhunan. Ngayon na tumataas ang presyo sa dating cheap na labor, umaalis na rin po ang ibang investors lumilipat ng ibang lugar," kanyang ipinahayag. Dagdag pa niya, “Yung economic advantage of setting up in a country rather than yung political system na umiiral na batayan kung bakit nagkakaroon ng namumuhunan o hindi." Noong nakaraang linggo, nagkasundo ang pamunuan ng House at Senado na boboto sila nang hiwalay patungkol sa usapin ng Chacha. — AF/RSJ, GMA News