Filtered by: Topstories
News

VP de Castro tinalakan ng mga iskwater sa Maynila


Inulan ng maaanghang na salita si Vice President Noli De Castro mula sa mga squatter sa tabi ng riles sa Maynila nang bisitahin nito ang lugar bilang paghahanda sa nakatakdang demolisyon ng mga barung-barong doon. Ayon sa ulat ng News on Q nitong Miyerkules, hindi na lamang nagpaapekto si De Castro sa mga salitang ipinukol sa kanya at sinabing ang kailangan dito ay “political will." Nakitang kasama ni De Castro sa Metro Rail train na ginamit sa pagbisita sa lugar si Manila Mayor Alfredo Lim. Dati nang nakikipag-ugnayan si Lim sa Vice President para mailipat din ang mga residente ng ginibang “Vietnam Village" sa Quiapo, Maynila. Nagrereklamo ang mga maaapektuhang residente ng Paco hanggang Sampaloc, Maynila dahil sa hindi mapagkasunduang sukat na gigibain sa lugar. Labinlimang metro ang nakatakdang gibain ng mga awtoridad mula sa riles, samantalang 3.5 metro lamang ang gusto ng mga residente. Idinadaing din nila ang paglilipat sa kanila sa Trece Martirez, Cavite dahil mas gusto diumano nila na mailipat na lamang sa Cabuyao, Laguna. Tinatayang 5,000 pamilya ang maaapektuhan ng demolisyon. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV

LOADING CONTENT