Joey talks about 'Wowowee' issue on radio
Naka-scoop sina Ali Sotto at Arnold Clavio dahil sila ang unang naka-interview kay Joey de Leon bago ito magsalita sa Eat Bulaga! Sinagot ni Joey ang mga paratang sa kanya ni Willie na napanood noong August 29, sa Wowowee. Kararating lang kasi ni Joey mula sa Hong Kong kaya hindi nito nasagot agad ang mga sinabi laban sa kanya ni Willie. Magkatapat ng timeslot ang mga programa nina Joey at Willie. Kung napakinggan ni Willie ang mga pahayag ni Joey sa radio program nina Ali at Arnold na Double A sa Double B, posibleng nadagdagan ang galit niya sa veteran TV host/comedian. Ayon kay Joey, magaling mag-drama si Willie. Ginagamit daw siya nito para mapagtakpan ang isyu tungkol sa "Wilyonaryo" segment ng Wowowee. Sinabi pa ni Joey na "walang alam" at "mababaw" si Willie dahil hindi nito maipaliwanag ang totoong nangyari sa "Wilyonaryo". Nilinaw rin ni Joey na wala siyang binabanggit na pangalan ng host o TV show. Imbes na magsalita nang magsalita, bakit hindi na lang daw siya idemanda ni Willie. Ibang medium ang radyo sa telebisyon kaya nasabi ni Joey ang ilan sa mga salita na foul sabihin sa telebisyon. Nagamit niya sa radio interview ang mga salitang "traidor", "malansa", "sinungaling", "animal", "bobo", at "mayabang" na pawang patungkol kay Willie. Samantala, nakatanggap din ang PEP (Philippine Entertainment Portal) ng pahayag ni Joey: “Kung meron kaming sinasabi dito sa aming program (Eat Bulaga!) ito ay para sa mga nanonood sa amin. Alam namin ang hirap ng mga audience para makapasok at manood ng aming programa. Alam din namin ang hirap na pinagdadaanan para makasali sa contest. Kaya dito sa programa namin, sinisigurado namin na malinis, walang hokus pokus, at parehas ang laban ng bawat contestant na sumasali. "Ngayon, kung may tinamaan kami sa aming mga sinasabi 'bato-bato sa langit, ang tamaan ay huwag magagalit.' Wala kaming binabanggit na pangalan o programa. Kaya lang, ang tanong ng tao sa You Tube, sa TV, sa diyaryo, sa radio, at mga taong nag-complain sa DTI: Bakit may dobleng numero sa isang gulong? Iyon ang sagutin mo [Willie]. Hindi tungkol sa akin ang isyu." Inaasahan na lalong magiging matindi ang away sa pagitan ng dalawang TV hosts dahil sa matatapang na pahayag ni Joey laban kay Willie. GMANews.TV is the official website of GMA News and Public Affairs, a unit of GMA Network Inc.- Philippine Entertainment Portal