Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs

TransPOORtation


TransPOORtation Imbestigador Special Report December 1, 2007 Ngayong Sabado, sama na sa paglalakbay ni Mike Enriquez at ng buong tropa ng Imbestigador sa iba’t ibang kapuluan ng Pilipinas at sa mga karatig nating bansa. Ang kanilang misyon: siyasatin ang estado ng ating transportasyon. Lahat halos ng pampublikong sasakyan mabusising sisiyasatin ng Imbestigador. Una na rito ang mga barkong gawa sa kahoy o batel. Dahil sa mga nabubulok na nitong mga kahoy at mga pasaherong pilit ditong pinagsisiksikan, ang mga batel kakambal na ang trahedya. Sa katunayan, dalawang linggo pa lang ang nakararaan nang may lumubog na namang barko sa Camotes Island. Ang mas masaklap, ang mga dapat sanang sasagip sa mga pasahero kulang sa kagamitan kaya huli na nang makalapit sa barko. Tatlo ang namatay at isa ang hanggang ngayo’y nawawala pa. Pagdating sa pang-lupang transportasyon may mga nawawala rin. Napag-alaman ng Imbestigador na halos 1.5 bilyong piso ang nawawala sa ating ekonomiya dahil sa matinding trapiko. Bukod dito, malaking problema pa rin ang kawalan ng disiplina’t maaayos na daan. Sa pag-iikot ng Imbestigador, matutuklasan nila ang sari-saring diskarte ng ating mga kababayan para maibsan ang problema sa transportasyon. Huwag magpa-iwan! Tutukan ang mahalagang byahe ng Imbestigador ngayong Sabado, 9.30 ng gabi pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho.