Filtered by: Publicaffairs
Public Affairs
Rats, healing priest, bodybuilding, loans
Episode on January 5, 2008 Saturday, 8:30 p.m. Year of the Rat Kapag narinig natin ang salitang “daga", halos pandirihan at kasuklaman na natin sila. Ang hindi batid ng ilan sa atin, biyaya sila kung ituring ng iba. Piniprito at inaadobo pa nga ang ilang dagang bukid sa ilang mga probinsya. Pero ibahin nyo ang binatang si Ambok. Mga buhay na bubwit na daga naman ang kanyang nilalantakan. Isinasawsaw niya ito sa suka, pagkatapos, talu-talo na. Sa bandang Los Banos, Laguna naman, ang mga daga hindi dumidiretso sa bibig ng mga tao... diretso ito sa bunganga ng mga sawa. Ngunit kung walang pakundangan kung patayin at kainin ang mga daga dito sa ating bansa, sa India naman pinakaiingat-ingatan nila ito. Sa katunayan nga niyan, may sariling templo pa ang mga daga rito – ang Karni Mata Temple kung saan may humigit-kumulang 20,000 daga ang malayang nakagagala, pinapakain, dinadayo at sinasamba. Ngayong "Year of the Rat" saksihan ang mga kwentong dadagain ang iyong dibdib sa nerbiyos at tuwa. Fr. Suarez: Healing Priest Sari-sari na ang mga lumutang na pari na diumano'y may kakayahang makapanggamot ng mga maysakit. At ang pinakabagong nadagdag sa listahang ito si Father Fernando Suarez – isang Batangueñong nagtapos ng Chemical Engineering pero piniling magsilbi sa Diyos. Sa Winnipeg, Canada talaga nakadestino si Fr. Suarez kung saan balitang-balita ang kanyang diumano'y "healing power." Nakapagpapagaling daw siya ng kahit anumang sakit. At natutupad din daw niya ang napakaraming kahilingan ng mga tao. Higit sa lahat, libo-libo na raw ang napagaling niya sa pamamagitan lamang ng paghawak sa noo sa maysakit at ng kanyang maikling dasal. Para kay Fr. Suarez, siya raw ang instrumento na ipinadala sa lupa upang tuparin ang misyon ng Diyos. Bodybuilding Matapos ang kaliwa't kanang handaan nitong Kapaskuhan, tiyak na ang karamihan sa atin nadagdagan ang mga timbang. Kaya naman marami ngayon ang pumupunta sa mga gym para itagtag ang mga naipong taba at kolesterol sa katawan. Pero may ibang mga tao, hindi lamang nakukuntento sa pagkakaroon ng malusog na pangangatawan. Ang gusto nila, yung halos puputok na sa kaumbukan ang kanilang mga muscle. Sila ang mga body builder. Disiplina raw ang kaakibat ng pagba-body building. Mula sa araw-araw na pagbubuhat ng mga barbel hanggang sa pagdidiyeta. Lahat sa ngalan ng katawang kaiinggitan at katatakutan. Utang Ang pangungutang ay isang bagay na talamak na sa ating lipunan. Dahil isa tayong mahirap na bansa, marami sa ating mga kababayan lubog sa utang. Sa mga probi-probinsya nga, ipinang-uutang nga ang ilang mga mahahalagang okasyon. Gaya na lang sa Bauang, La Union kung saan inutang ni Miriam kay Nanay Aurelia ang pambinyag ng kanyang anak. At ang paunang bayad ni Miriam, hindi lang ang mga pakimkim sa binyag, pati na ang kanilang mga pananim na mani at ilang kabang bigas. Mabuti na lang at may kusa si Miriam na magbayad ng kanyang utang. Hindi tulad ng mga parukyano sa tindahan ni Mang Bartolome sa Samal, Davao del Norte… na tamad na tamad daw magbayad. Kaya naman ang gimik ni Mang Bartolome para siya'y mabayaran, nagpaskil siya sa labas ng kanyang tindahan ng mga pangalan ng umutang sa kanya. At ang ilan dito may kasama pang maaanghang na salita. Dahil bagong taon na, dapat rin siguro magkaroon ng bagong simula. Ito na marahil ang pinaka-tamang panahon para ating pag-aralan kung paano nga ba nating mabibigyang-solusyon ang lumolobong problemang ito.
More Videos
Most Popular