1 sa 10 pamilyang Pinoy nabiktima ng krimen - SWS survey
Isa sa bawat sampung pamilyang Filipino ang nagiging biktima ng pangkaraniwang krimen sa loob ng nakalipas na anim na buwan, o mas mataas ng halos 10 porsyento noong Setyembre ng nakaraang taon, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Martes. Mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 3, 10.5 porsyento ng mga pamilya ang ninakawan, habang 1.3 porsyento ang sinaktan sa loob ng anim na taon. "The December 2007 SWS survey found 8.6% of families victimized by pickpockets and 3.0% victimized by burglary during the past six months. Of those having any type of motor vehicle, 1.9% were robbed of it in the past six months," ayon sa SWS. Isinaad pa nito na ang proporsyon ng mga pamilyang may mahal sa buhay na sinaktan kaugnay ng isang krimen sa loob ng nakalipas na anim na buwan ay nasa 1.3 porsyento. "This sums up to 11.5% of families who reported victimization by one of the common crimes. The average number of times victimized was 1.2 per family," sinabi nila. Ipinaliwanag ng SWS na ang mga nabibiktima ng mga pangkaraniwang krimen ay nasa 14.9 porsyento noong Agosto 2004 subalit bumaba sa 8.3 porsyento noong Hunyo 2006. Muling naabot nito ang “double-digit" mula Setyembre 2006 hanggang Pebrero 2007, o nasa pagitan ng 10.7 hanggang 13.2 porsyento. Bahagyang bumaba ito sa 9.6 porsyento noong Setyembre 2007 at umakyat muli sa 11.5 porsyento niing Disyembre. Mula noong 1989, sinumulan ng SWS na tanungin ang mga respondent tuwing apat na buwan kung mayroong isa sa miyembro ng pamilya ang ninakawan sa labas o loob ng tahanan, o naging biktima ng karahasan sa nakalipas na anim na buwan. Noong 1992, idinagdag ng SWS ang mga krimen na naganap habang nasa sasakyan. Ayon pa sa SWS, tumaas sa 16.3 porsyento nitong Disyembre mula 9.3 porsyento noong Setyembre ang bilang ng mga nadudukutan sa Metro Manila. Sa labas ng Kamaynilaan, mababa sa 10 porsyento ang bilang ng mga naduduktan sa Luzon (8.7 porsyento), Mindanao (6.7 porsyento) at Visayas (5.3 porsyento) noong Disyembre. Samantala, ang mga pamilyang nilooban sa nakalipas na buwan ay umabot sa 5.0 porsyento sa Metro Manila, 3.3 porsyento sa kabuuan ng Luzon, 2.3 porsyento sa Mindanao, at 1.7 porsyento sa Visayas. Ang Fourth Quarter Social Weather Survey noong 2007 ay gumamit ng face-to-face interview sa may 1,200 tao na pinaghati-hati sa tig-300 sa Metro Manila, Luzon, Visayas at Mindanao. Mayroong sampling error margins na ±3% ang survey para sa national percentages at ±6% para sa area percentages. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV