Mina ng langis at gas nakataya sa Spratly deal - Gonzalez
MANILA - Tinatayang tatlong trilyong cubic feet ng natural gas at langis ang pakikinabangan ng Pilipinas sa kontrobersyal na seismic exploration deal na pinasok ng pamahalaan sa China at Vietnam. Ito ang inihayag nitong Linggo ni Justice secretary Raul Gonzalez batay umano sa nakuha niyang impormasyon sa Philippine National Oil Company. Kasabay nito, nanawagan siya sa mga kritiko ng gobyerno na huwag bulabugin ang nasabing kasunduan. "I understand there are three trillion cubic feet of oil found already. That is bigger than Malampaya, much, much bigger. It will really boost our national economy," ayon kay Gonzalez sa panayam ng dzBB radio. "Dapat sana huwag na nating debatehin masyado para sa kabutihan ng Pilipinas," idinagdag ng kalihim. Bagaman hindi lubos na naipaliwanag ni Gonzales ang makukuhang mga mineral sa Spartlys, sinabi nito na ang impormasyon muna sa PNOC ay nakuha naman sa isang British corporation. Iginiit ni Gonzalez na walang sapat na pondo ang Pilipinas upang tustusan ang malawak na oil exploration project. Bukod pa rito, ang seismic survey ay hindi pa naman umano maituturing exploration o pagkuha ng mga mineral. "Don't call it exploration, it's a seismic survey," paggiit ng kalihim na dapat na umanong matigil ang mga debate tungkol sa kasunduan. Sa kabila ng pagtiyak ni Gonzalez, ilang senador ang nais imbestigahan ang kasunduan na ikinukonsidera nilang pagtataksil sa bansa. Nanindigan naman si Gonzalez na hindi maaaring gamitin kaso sa impeachment laban kay Pangulong Arroyo ang kasunduan at iginiit na hindi si Pangulong Arroyo ang nakapirma rito. Ipinaliwanag din ng kalihim na ang mga kompanya na magiging bahagi ng pagsusuri sa mga isla ay kailangang 60 porsyentong pag-aari ng mga Filipino. "If we end up in exploration, the company that will do the exploration must be 60% owned by Filipinos, or we can enter into service contracts," paliwanag ni Gonzalez. Pagkatapos ng gagawing survey, ang resulta nito ay muling ibabalik sa mga kasangkot na bansa upang aprubahan ang susunod na hakbang. Idinagdag ni Gonzalez na kung may problema sa kasunduan na pinirmahan noong 2004 ay dapat kasamang sisihin si dating senador Franklin Drilon na noo’y nakaupong Senate President. - GMANews.TV